24,593 total views
Naniniwala ang isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na napapanahon ang pagbibigay halaga at pangunguna ng Kanyang Kabanalan Francisco sa pananalangin para sa kapakanan ng mga kababaihan para sa patas na pagtingin sa bawat isa sa lipunan.
Ito ang ibinahagi ni CBCP Office on Women chairman Borongan Bishop Crispin Varquez sa prayer intention ni Pope Francis ngayong buwan na inilaan para sa mahalagang papel ng mga kababaihan.
Ayon sa Obispo, ang pagbibigay pansin ng Santo Papa sa kalagayan ng mga kababaihan ay isang kongkretong panawagan ng Simbahan para matuldukan na ang diskriminasyong dinaranas ng mga kababaihan sa lipunan.
Inihayag ni Bishop Varquez na ang bawat nilalang ng Panginoon ay mayroong taglay na patas na dignidad.
“These are words of Pope Francis na nag-remind sa ating lahat na bigyan natin ng recognition ang role ng women sa pag-develop sa world and even in the church, so yun bang iwasan talaga yung discrimination women should not be discriminated and in addition Pope Francis said in theory we recognized that men and women are equal in dignity…” pahayag ni Bishop Varquez sa Radio Veritas.
Iginiit ng Obispo na napapanahon ang mga katagang tinuran ni Pope Emeritus Benedict XVI na pangangailangan ng ebanghelisasyon sa kultura at lipunan na mapataas at maging patas ang pagtingin sa babae at lalaki.
Ipinaliwanag ni Bishop Varquez na ang mga babae at lalake ay nilalang ng Diyos ng may patas na dignidad at mga pambihirang kakayahan upang magtulungan at magsilbing katuwang sa paglalakbay sa buhay.
“Siguro nga marami pang parts of the world na hindi talaga equal ang pagtingin nila sa babae kaya sabi ni Pope Benedict XVI sabi niya ‘let us evangelized culture’ para tataas ang pagtingin sa mga babae na equal na sa mga lalake na walang discrimination, walang mababa, walang mataas in other words ang plano talaga ng Diyos para sa babae at lalake is to complement each other, yun talaga ang role to complement each other…” Dagdag pa ni Bishop Varquez.
Nakapaloob sa prayer intention ni Pope Francis para sa buwan ng Abril ang paanyaya sa bawat isa na ipanalangin ang kapakanan ng mga kababaihan gayundin ang pagkakaroon ng higit na pagkilala at pagpapahalaga sa dignidad at pambihirang kakayahan ng mga kababaihan.
Ayon sa Santo Papa Francisco, mahalaga ang pagkakaisa ng lahat upang protektahan ang mga karapatan, kapakanan at dignidad ng mga kababaihan na kadalasang naisasantabi at dumaranas ng iba’t ibang diskriminasyon sa lipunan.
Giit ni Pope Francis, sadyang mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga kababaihan na mayroon sari-sariling kakayahan, abilidad at mai-aambag para sa ikauunlad hindi lamang ng lipunan kundi maging ng Simbahan.