29,675 total views
Nanawagan ang Caritas Philippines sa bawat diyosesis sa Pilipinas na makibahagi sa ‘Prayer for Peace and Social Transformation’ bilang pakikiisa sa Good Governance Month na idineklara ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines.
Ayon kay San Carlos Bishop Gerardo Alminaza – vice chairman ng humanitarian, development and advocacy arm ng CBCP, inaprubahan ng kalipunan ng mga Obispo sa naganap na 127th plenary assembly noong Enero 2024 ang pagdeklara sa Good Shepherd Sunday hanggang Solemnity of the Sacred Heart of Jesus bilang Good Governance Month sa bansa.
“The CBCP as a Conference has approved last January 2024 Plenary Assembly, and declared the period from Good Shepherd Sunday to the Solemnity of the Sacred Heart of Jesus as Good Governance Month. In view of this, Caritas Philippines has released a Pastoral Statement on the Feast of the Good Shepherd, April 21, 2024. It is expected that this Pastoral Statement will be read during this coming Sunday’s homily in all churches of our dioceses. This signals the start of the Good Governance Month. Also included for our perusal during this month is a Prayer for Peace and Social Transformation.” panawagan ni Bishop Alminaza.
Ibinahagi ng Obispo na layunin ng idineklarang Good Governance Month na higit na maisulong ang maayos, matapat at marangal na pamamahala ng mga lider partikular na ng mga halal na opisyal ng bansa.
Bahagi ng panalangin na nakapaloob sa ‘Prayer for Peace and Social Transformation’ ang paggabay ng Banal na Espiritu sa mga opisyal ng bayan upang tuwinang isabuhay ang paglilingkod ng dalisay at tapat para sa kabutihan ng mas nakararami o ng common good.
Una ng iginiit ng Caritas Philippines na ang mga tunay na opisyal na lingkod bayan ay maituturing din na pastol ng lipunan na dapat magprotekta at mangalaga sa kanyang kawan mula sa anumang kawalang katurungan at pang-aabuso o paglapastangan.
Nagsimula ang Good Governance Month sa paggunita ng Good Shepherd Sunday sa bansa noong ika-21 ng Abril, 2024 na magtatagal hanggang sa Solemnity of the Sacred Heart of Jesus na nakatakda naman sa ika-7 ng Hunyo, 2024.