27,208 total views
Opisyal na idineklara ng National Museum of the Philippines bilang isang Important Cultural Property ang St. John the Baptist Church sa Camalig, Albay na nasa ilalim ng pangangasiwa ng Diyosesis ng Legazpi.
Naganap ang paghahawi ng tabing sa panandang pangkasaysayan noong ika-24 ng Hunyo, 2024 kasabay ng Dakilang Kapistahan ng Kapanganakan ni San Juan Bautista na pinangunahan ni National Museum of the Philippines Director General Jeremy Barns at Rev. Fr. Ricardo Divinagracia, kura paroko ng Simbahan ng San Juan Bautista, Camalig, Albay.
Opisyal na ding ipinagkatiwala ng National Museum of the Philippines sa Diyosesis ng Legazpi ang tungkuling ingatan, pangalagaan at panatilihin ang integridad at orihinal na istruktura ng Simbahan upang patuloy na maipamalas ang pagiging saksi sa mayamang kasaysayan ng pananampalataya hindi lamang sa Albay kundi sa buong Bicol region.
Iginagawad ng National Museum of the Philippines ang pagkilala bilang Important Cultural Treasure at Important Cultural Property sa isang gusali, lupain o lugar na nagtataglay ng pambihirang kasaysayan hindi lamang sa larangan ng sining kundi maging para sa pagpapayaman ng kultura ng bansa.
Sa kasalukuyang umaabot na sa mahigit 20 na ang bilang ng mga kinilalang National Cultural Treasures sa bansa habang mahigit naman sa 30 ang kinilalang Important Cultural Properties ng National Museum of the Philippines na kinabibilangan ng mga parke, gusali, Simbahan at maging mga lumang tahanan sa buong bansa.
Maikling kasaysayan ng St. John the Baptist Church sa Camalig, Albay:
Taong 1569 ng nagsimulang magbahagi ng ebanghelyo ang mga misyonerong Augustinian sa lugar. Nagsilbi naman mission outpost ng mga Franciscan ang bayan ng Camalig kung saan makalipas ang sampung taon ay kanilang itinatag ang isang parokya sa lugar na nanatili sa kanilang pangangasiwa at hurisdiksyon sa loob ng 404 na taon.
Itinayo ang unang simbahan noong 1578 sa pamamagitan ng mga light material tulad ng cogon, nipa at kawayan. Taong 1605 nang itinayo ang simbahang bato ng mga bilanggo at palaboy na nagtagal hanggang taong 1814 ng sumabog ang Bulkang Mayon.
Ang mapanirang pagsabog ng Bulkang Mayon noong 1814 ay halos nagpalubog sa makasaysayang bayan ng Camalig sa Albay na dahilan upang lumipat ang mga residente sa kabundukan, kung saan isang pansamantalang kapilya din ang itinayo sa lugar.
Taong 1837 ng muling bumalik ang mga residente sa lumang bayan at nagsimulang muling itayo ang kanilang simbahan sa pamamagitan ng mga volcanic stones na natapos noong 1848.
Ang mahigit sa 170-taon simbahan ay naging saksi hindi lamang sa pagkasira at muling pagbangon ng bayan ng Camalig mula sa iba’t ibang mga natural na kalamidad at sakuna gaya ng pagsabog ng Bulkang Mayon kundi maging sa dalawang digmaan na Spanish-American War at World War II.
Photo Courtesy: National Museum of the Philippines – Bicol