17,534 total views
Nagpahayag ng pagkabahala ang Apostoliko Bikaryato ng Puerto Princesa sa Palawan para sa kapakanan ng mga residenteng naninirahan sa isla ng Mariahangin sa Bayan ng Balabac, Palawan.
Ibinahagi ni Puerto Princesa Bishop Socrates Mesiona ang pagkabahala sa mga ulat ng pang-ha-harass ng ilang armadong grupo sa mga residente ng isla upang lisanin ang lugar.
Ipinaliwanag ni Bishop Mesiona na matagal ng naninirahan at residente ng isla ang mga Cagayanen at Molbog na karamihan ay doon na isinilang at nakahanap ng ikabubuhay.
“Ang Apostoliko Bikaryato ng Puerto Princesa ay nagpapahayagng pakikiisa at pagkabahala sa mga kababayan natin sa isla ng Mariahangin sa Bayan ng Balabac. Matagal nang naninirahan sa lugar ang mga kapatid nating mga Cagayanen at Molbog at ang karamihan ay doon na mismo isinilang sa maganda at mapayapang islang ito. Doon na rin sila nakahanap ng kanilang pangkabuhayan. Nakalulungkot na ilang armadong grupo ang nang-harass sa kanila upang lisanin ang kanilang minamahal na lugar.” pahayag ni Bishop Mesiona.
Mariin namang nanawagan si Bishop Mesiona sa mga awtoridad na mamagitan sa sitwasyon upang mapangalagaan ang kapakanan at karapatan ng mga mamamayan ng isla ng Mariahangin at maiwasan ang anumang uri ng karahasan.
Giit ng Obispo, mahalagang mapangalagaan ang kaligtasan ng mga residente mula sa anumang banta ng karahasan at pang-aabuso sa kanilang lugar.
“Nanawagan kami lalo’t higit sa mga awtoridad na mamagitan sa nasabing sitwasyon upang maiwasan ang karahasan at mapapangalagaan ang karapatan ng mga simpleng mamamayan sa Mariahangin. Sana mangingibabaw ang sinabi ni dating Presidente Ramon Magsaysay na “those who have less in life should have more in law.” Dagdag pa ni Bishop Mesiona.
Tiniyak ng Obispo na kaisa ng mamamayan ang Simbahan sa pagsusulong ng katotohanan at mga karapatan lalo’t higit ng mga mahihirap sa lipunan.
Umapela naman si Bishop Mesiona sa bawat mananamapalataya na isama sa pananalangin ang kapayapaan at kaligtasan ng mga mamamayan ng isla ng Mariahangin sa Balabac mula sa sinumang nagnanais na magdulot ng karahasan sa lugar.
Batay sa inisyal na ulat mula sa Balabac Municipal Police Station (MPS), nagsimula ang insidente nang dumating ang isang grupo ng hindi nakikilalang mga indibidwal sa Sitio Mariahangin, Bugsok, Balabac, Palawan bandang alas-tres ng madaling araw noong ika-29 ng Hunyo, 2024 na pawang nakasuot ng bonnet at nagpaputok ng baril.
Sa kasalukuyan, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Balabac Municipal Police Station (MPS) kung saan pinag-aaralan din ng mga residente ng isla Mariahangin ang paghahain ng reklamo kaugnay sa naganap na insidente.