30,376 total views
Nanawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Prison Pastoral Care sa mga ahensya ng pamahalaan na nangangasiwa sa mga bilangguan sa bansa na tutukan ang kapakanan ng mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) sa gitna ng matinding init na nararanasan sa kasalukuyan.
Ito ang kahilingan ni Military Ordinariate of the Philippines Bishop Oscar Jaime Florencio – chairman ng kumisyon sa hindi magandang kalagayan ng mga PDLs dahil sa matinding init ng panahon dulot ng El Niño Phenomenon.
Pinakikilos ng Obispo ang pamunuan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at Bureau of Corrections (BuCor) na tugunan ang sitwasyon ng mga PDLs na maaring magkasakit dahil sa nararanasang init sa loob ng mga piitan sa bansa.
“Ganun pa din yung appeal namin doon sa mga authorities lalong lalo na sa mga kulungan natin both sa BuCor (Bureau of Corrections) and doon sa BJMP (Bureau of Jail Management and Penology) na mga kulungan… We pray and we hope na talagang mabigyan nila ng pansin ito at mabigyan ng solusyon lalong lalo na ngayong panahon ng tag-init talagang kahit yung nasa labas namamatay, yung nasa loob pa kaya…” Bahagi ng pahayag ni Bishop Florencio sa Radyo Veritas.
Inihayag ng Obispo na kinukunsedera nilang opisyal na sumulat sa BJMP na pinangangasiwaan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at BuCor na pinangangasiwaan naman ng Department of Justice (DOJ) upang tutukan ang kalagayan ngayon ng mga PDLs sa mga piitan at bilangguan sa bansa.
Bukod sa pagkakaloob ng mga karagdagang bentilador at pagsasaayos ng bentilasyon sa mga bilangguan, ipinagdarasal ni Bishop Florencio ang pagpapalaya sa mga karapat-dapat na PDLs na natapos na ang sentensya upang mabawasan ang siksikan sa mga kulungan.
Ipinaliwanag ng Obispo na ang pagpapalaya sa mga karapat-dapat na PDLs ay isang pangmatagalang solusyon sa pagsiksikan ng mga bilanggo sa iba’t-ibang piitan sa bansa.
“Siguro baka susulat uli kami to remind them lalong lalo na itong ano ngayon tag-init, so bigyan siguro namin ng dalawang concerns number 1 itong magbigay sila ng mga dagdag na electric fans whatever and then long-term na expedite nila yung pwedeng ng palayain or whatever, yun ang ganoon ang isusulat namin kasi itong tag-init natin hindi lang ito ngayon, all throughout the year parang tag-init din sa atin so mahirap yun dahil magkakaroon ng sakit or whatever na mga manggagaling doon sa kulungan…” Dagdag pa ni Bishop Florencio.
Batay sa audit report ng Commission on Audit (COA) noong 2022, aabot sa 323 o 67-porsyento mula sa 478 na mga detention facilities sa ilalim ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang ‘heavily congested’ na aabot sa 101 hanggang 2,739 porsyento.
Ayon sa panlipunang turo ng Simbahang Katolika, ang pagbibilanggo ay hindi lamang naglalayong parusahan ang mga taong lumalabag sa batas sa halip ay upang mapaghilom din ang pagkasirang tinamo ng mga nagkasala mula sa kanilang nagawang kasalanan