8,161 total views
Nananawagan si Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo sa mamamayan na paigtingin ang pangagalaga sa kalikasan upang maibsan ang epekto ng climate change sa ekonomiya at pinakamahihirap sa lipunan.
Iginiit ni Bishop Pabillo na ang mga mahihirap ang direktang apektado ng mga sakuna at kalamidad na dulot ng climate change na sanhi ng kapabayaan ng tao sa kalikasan.
“Kapag nasisira ang kalikasan, dumadating po ang malalakas na bagyo ay maraming pagkasira, kaya ang hanapbuhay ng mga tao ay nasisira, kaya kung mahabang pag-ninilayan natin ang pangangalaga sa kalikasan, dapat iniisip natin na ang kalikasan ay nakakatulong din sa ekonomiya,” pahayag ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas.
Nilinaw ng Obispo na bunsod ng mga kalamidad dulot ng climate change ay nasisira ang mga negosyo at establisyemento na nagdudulot ng pagkalugi sa mga negosyante maging sa ekonomiya ng bansa.
Umaapela ang Obispo sa mamamayan ang palawakin ang kaalaman at kumilos para protektahan at pangalagaan ang kalikasan.
“kaya kapag nasira po ang kalikasan, ang una pong mapipinsala ay ang mga tao, dumadating ngayon ang tag-init kaya maraming mga magsasaka ay hindi na makatanim, kung minsan dumadami ang malakas na ulan at nagdudulot ng baha tulad nang nangyayari ngayon sa UAE sa Saudi Arabia, sa Dubai na binabaha sila, malaking damage sa ekonomiya ang nangyare,” ayon pa sa mensahe ng Obispo.
Una naring nakiisa ang Caritas Philippines, Diyosesis ng Kalookan at Ecoconvergence sa mga mangingisda na maapektuhan ng Manila Bay Reclamations Projects dahil sa banta ng tuluyang pagkawala ng kanilang kabuhayan sa pangingisda.
Patuloy naman sa pagkilos ang simbahang katolika katuwang ang iba’t-ibang makakalikasang grupo sa paggawa ng mga programa para mapangalagaan ang kalikasan.