33,238 total views
Ibinahagi ni Batanes Bishop Danilo Ulep ang isinasagawang pangangalap ng pondo ng Prelatura ng Batanes upang maisakatuparan ang mga programa ng Simbahan para sa mamamayan ng lalawigan.
Sa programang pastoral visit on-air ni Bishop Ulep sa Radio Veritas ay ibinahagi ng Obispo ang kanyang panibagong misyon na makapangalap ng pondo upang maisakatuparan ang malawak na pastoral concerns para sa mamamayan ng Batanes.
Bilang punong pastol ng Prelatura ng Batanes ay pangunguhanan ni Bishop Ulep ang pangangalap ng pondo upang mapalawak ang evangelization ng simbahan sa lalawigan.
“Ang isang naging misyon ko para sa sarili ko na I’m going to outsource funding kasi as you all know hindi kami makagalaw na tuparin o tugunan ang mga pangangailangan at mga programa kung wala tayong funding. Sabi ko sa aming mga kaparian ‘we need funds’ and we have identified like 4 or 5 different kinds of funds, isa diyan ay for pastoral funds o for pastoral concerns kaya ang gagawin ko po iikot po ako, kung kinakailangan umikot po ako ng ibang bansa o sa Metro Manila gagawin ko po yun, pangungunahan ko po yun sa ngalan ng mga tao dito sa prelatura para sa ganun yung nasa papel na specific programs ay maisakatuparan namin.” Bahagi ng pahayag ni Bishop Ulep sa Radio Veritas.
Kabilang sa mga nakahanay na pastoral programs ng Prelatura ng Batanes ang pagpapalawig ng Basic Ecclesial Communities; pagpapalaganap ng debosyon sa Mahal na Birheng Maria at kay San Jose; pagpapalakas ng partisipasyon ng mga kabataan sa mga gawaing pang-simbahan; pagpapalawig sa kamalayan ng mga mamamayan sa problemang pangkalikasan; pagpapasok sa kultura ng mga Ivatan sa pagdiriwang ng liturhiya; pagtugon sa pangangailangan ng mamamayan ng Batanes o social services; pagpapalawig ng servant-leadership at stewardship; gayundin ang pagpapatatag ng pamilya; at pangangalaga sa mayamang kultura at tradisyon ng mga Ivatan.
Batay sa 2021 data ng Philippine Statistics Authority (PSA) aabot sa 19,000 ang bilang ng populasyon sa Batanes kung saan sa kasalukuyan ay may anim na parokya sa Prelatura ng Batanes.
27 mga pari naman ang katuwang ni Bishop Ulep sa pangangasiwa sa buhay espiritwal at social services ng mga mamamayan ng lalawigan.