25,997 total views
Pansamantalang isinara sa publiko ang San Isidro Labrador Parish Church sa Binalbagan, Negros Occidental dahil sa insidente ng paglapastangan sa mga sagradong bagay ng simbahan.
Ayon kay Kabankalan Bishop Louie Galbines, ang paglapastangan sa altar at sa mga bagay na binibigyang pagpapahalaga at paggalang ng simbahan kaya’t kinakailangan ang pagsasagawa ng pagbabayad-puri tungo sa paghilom.
“Referring to canon 1211, the church will remain closed for a period of time to allow repair of the images to take place and this time will also be utilized for all of us to do penitential acts in order to effect complete healing to our very hearts and minds, to our faith itself wounded by this unwarranted act,” bahagi ng pahayag ni Bishop Galbines.
Ayon sa ulat alas 6:30 ng umaga ng April 3 nang pumasok ang isang lalaki habang nagdiriwang ng Banal na Misa ang parokya at sinira ang mga imahe nina San Jose, San Isidro Labrador-ang patron ng parokya, Immaculate Concepcion, dalawang imahe ng mga anghel, at ang Crucifix ng simbahan.
Bukod pa rito ang paglapastangan sa Tabernakulo ng simbahan na pinaglalagakan ng katawan ni Kristo.
Sinabi na obispo na lubhang nakalulungkot at nakasasakit sa damdamin ng mananampalataya sa lugar ang pangyayari na makakaapekto maging sa kanilang pananampalataya.
“The suspect is already in police custody and will be made to answer to the crime and damages he created,” ani ng obispo.
Hiling ni Bishop Galbines sa nasasakupang mamamayan na magbuklod sa pananalangin upang maibsan ang sakit na idinulot ng paglapastangan sa tahanan ng Panginoon at umaasang mag umigting ang pananampalataya sa kabila ng karanasan.
“We unite all our prayers and I fervently hope that we all move forward and come out stronger and more dedicated Catholics at the end of this,” giit ni Bishop Galbines.
Patuloy ang imbestigasyon ng Philippine National Police sa insidente upang matukoy ang dahilan ng paglapastangan ng suspek sa San Isidro Parish bukod sa pagpakilalang kasapi ito ng isang relihiyon.