19,779 total views
Mariing kinundena ni Tagbilaran Bishop Alberto Uy ang karumal-dumal na pagpaslang kay Roselyn Gaoiran ng Tubigon Bohol.
Hinimok ni Bishop Uy ang mga awtoridad na magsagawa ng malawakang imbestigasyon upang mapanagot ang mga nasa likod ng krimen.
“We urge the authorities to promptly initiate a thorough investigation to ensure that the perpetrator(s) are brought to justice. Acts of violence and crimes like this are morally reprehensible, and it is crucial that those responsible are held accountable for their deeds,” bahagi ng mensahe ni Bishop Uy.
Unang naiulat na nawawala si Gaoiran noong April 3, na nagtatrabaho bilang kahera ng isang LPG Tank dealer sa bayan ng Tubigon.
Makalipas ang halos dalawang linggong pagkawala, natagpuan ang bangkay ni Gaoiran noong April 15 na nakasilid sa sako sa Brgy. Cansuaguit, Loon Bohol.
Dalangin ni Bishop Uy ang kahinahunan at katatagan ng loob sa mga naiwang pamilya ni Gaoiran sa malaking pagsubok na kinakaharap gayundin ang pakikiisa at suporta sa paghahangad ng katarungan.
“During times of tragedy, it is important for communities to unite in support and provide solace to those impacted by such a senseless act. Let us hope for a swift and fair resolution to this case, and may the victim find peace,” giit ni Bishop Uy.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ang Philippine National Police sa Bohol upang matukoy ang mga salarin sa krimen habang nasa kustodiya ang employer ni Gaoiran na itinuturong person of interest.
Noong 2023 iniulat ng Bohol Provincial Police Office ang bahagyang pagtaas ng limang porsyento ng krimen sa Bohol mula sa 4,485 total crimes noong 2022 umabot ito sa 4,746.
Una nang nabahala si Bishop Uy sa muling paglaganap ng ipinagbabawal na gamot sa lalawigan na maaring magbunga ng iba’t ibang krimen kung magumon ang mamamayan sa paggamit nito.
Apela ng obispo sa mamamayan na magkaisang kumilos para itaguyod ang mapayapa at makatarungang lipunan.