29,594 total views
Patuloy na inaanyayahan ng Radio Veritas 846 ang mananampalataya na bisitahin ang isinasagawang Holy Week exhibit sa Entertainment Center ng Fisher Mall Quezon Avenue sa Quezon City.
Magkatuwang ang himpilan at establisimiyento sa paglilingkod sa kristiyanong pamayanan ngayong mga Mahal na Araw lalo na sa spiritual pilgrimage ng mamamayan.
Itinatampok sa exhibit ang mga imahe ni Hesus at Maria na may kaugnayan sa Paschal Triduum o ang Pagpapakasakit, Pagkamatay at higit sa lahat ang Muling Pagkabuhay ni Hesus.
Binuksan ang exhibit noong March 19 sa pangunguna ni Radio Veritas Vice President Fr. Roy Bellen kung saan hinimok ang mamamayan na gamitin itong pagkakataon para sa pagninilay at pagpapalalim ng pananampalataya.
“Itong exhibit na ito ay magsisilbing gabay para sa mga tao lalo na ang mga pumupunta dito sa mall ngayong Holy Week, maari silang magkaroon ng pilgrimage, magdasal at makapagnilay,” mensahe ni Fr. Bellen.
Ayon kay Renee Jose ng Religious Department ng himpilan na maaring magsagawa ng ‘Daan ng Krus’ o ‘Stations of the Cross’ sa exhibit kaya’t bukas ito para sa lahat.
Tiniyak naman ni Fisher Mall Manager Rey Anthony Beltran ang pakikiisa ng establisimiyento sa mahalagang mga araw na ipagdiriwang ng kristiyanong pamayanan ang pananampalataya.
Bukas ang exhibit mula alas 10 ng umaga hanggang alas nuwebe ng gabi na magtatagal hanggang March 31, 2024, sa pagdiriwang ng Linggo ng Muling Pagkabuhay ni Hesus.
Sa karagdang detalye makipag-ugnayan sa Religious Department ng Radio Veritas sa telepono 02 8925-7931 local 129, 131 at 137 o mag-text sa 0917-6314589