6,552 total views
Inaanyayahan ni Antipolo Bishop Ruperto Santos ang mananampalataya na makiisa sa pilgrimage season ngayong buwan ng Mayo sa pagbisita sa International Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage o Antipolo Cathedral.
Ayon sa obispo magandang pagkakataon na makibahagi ang kristiyanong pamayanan sa mayamang kultura at tradisyon ng diyosesis kung saan sinimulan ang pilgrimage season nitong May 7 unang Martes ng Mayo at magtatapos sa July 2, ang unang Martes ng Hulyo.
“I would like to extend my warm invitation to everyone. Come and be part of a pilgrimage starting the First Tuesday of May until the First Tuesday of July. You can come as a group of family or friends. Within this timeframe, you can spend a moment for your own reflection, personal prayer, and petitions,” ayon kay Bishop Santos.
Matatandaang noong April 30 nang isagawa ang nakagawiang pagdalaw ng Mahal na Birhen ng Antipolo sa nakadambanang Jesus Nazareno sa Minor Basilica and National Shrine of Jesus Nazareno o Quiapo Church na hudyat ng pagsisimula sa pilgrimage season.
Sinundan ito ng tradisyunal na paglalakad mula Quiapo Church pabalik sa international shrine kung saan milyong deboto ang nakilahok sa humigit kumulang sampung oras na Walk for Peace.
Naniniwala si Bishop Santos na ang mga gawain sa pilgrimage season lalo na ang pagdalaw sa mapaghimalang imahe ng Mahal na Birhen ng Antipolo ay makatutulong upang higit na lumago ang pananampalataya ng mamamayan tungo kay Hesus.
“I believe this pilgrimage will be inspiring as it will deepen your faith, allowing our Blessed Mother to protect us and point us even more to her Son, our Lord Jesus Christ, urging us also ‘do whatever He tells you (John2:5),” ani Bishop Santos.
Paanyaya ng obispo sa mamamayan na makiisa sa taunang ‘Ahunan’ o paglalakbay sa international shrine kung saan ito rin ang isa sa pangunahing layunin sa kanyang paninilbihan bilang pinunong pastol ng Antipolo na magiging ‘pilgrimage capital of the Philippines’ na isang paraan ng higit na paglilingkod at pagpapalago ng pananampalataya sa kristiyanong pamayanan.
Ilan sa mga gawain ngayong pilgrimage season ang pagkakaroon ng novena masses, prusisyon sa imahe ng Birhen ng Antipolo gayundin ang tampok na Laudate Mariam concert sa Antipolo Cathedral sa July 8 ng alas otso ng gabi.
Pangungunahan ni Bishop Santos ang banal na misa sa July 9 bilang pagtatapos sa pilgrimage season ng international shrine.