11,519 total views
Muling umapela ang AMIHAN National Federation of Peasant Women at grupong Bantay Bigas na ipawalang bisa ang Rice Liberalization Law (RTL).
Ayon kay Cathy Estavillo, secretary-general ng AMIHAN at spokesperson ng Bantay Bigas, walang naidulot na mabuti ang R-T-L simula ng naisabatas noong 2019 dahil nito napababa ang presyo ng bigas.
Sinabi ng grupo na dahil sa batas ay lubhang napababa nito ang kita ng mga magsasaka ng palay na naging dahilan ng pagkalugi at tuluyang pagtigil sa pagsasaka ng mga magsasaka.
“Palagian nating naririnig ang gubyerno na para raw bumaba ang presyo ay dapat lumaki ang importasyon. Ito mismo ang malinaw na ebidensya ng pagiging kontra-magsasaka at kontra-mamamayan ng gubyerno, dahil alam na nga nilang papatayin nila ang kabuhayan ng mga magsasaka, babagsak pa ang self-sufficiency o gagawing pulubi sa imported na bigas ang sambayanang Pilipino, pero isinusulong pa rin nila. Ito ay pagpapakatuta sa dikta ng World Trade Organization at imperyalismong US, na kontra sa interes ng mga Pilipino,” ayon sa mensahe ni Estavillo na ipinadala sa Radio Veritas.
Iginiit ng grupo ang tuluyang pagsasawalang bisa ng RTL at panawagan sa pamahalaan na ituon ang mga programa at inisyatibo sa pagpapaunlad sa lokal na pagsasaka, pangingisda at iba pang sektor ng agrikultura.
Ito ay upang hindi na umasa pa ang Pilipinas sa maramihang pagtanggap ng imported na suplay ng ibat-ibang agricultural products.
“Ang daming nilalabag ng rehimeng US-Marcos, ang right to livelihood at karapatan sa suporta ng estado ng mga magsasaka, right to food ng mamamayang Pilipino, at ang national sovereignty natin, dahil dikta nga ng dayuhang kapangyarihan ang batas na ito. Dapat lang talagang singilin si Marcos, at mga nagtulak nito tulad ni Gloria Macapagal-Arroyo sa mababang kongreso, at si Cynthia Villar sa senado. Dapat magkaisa ang malawak na mamamayan na ibasura ang Rice Liberalization Law, itaguyod ang pambansang industriya ng palay at bigas at tunay na reporma sa lupa, ang kabuhayan ng mga magsasaka at karapatan ng mamamayan sa murang pagkain,” bahagi pa ng mensahe ni Estavillo.
Sa tala ng Bantay Bigas, umaabot na sa 20-bilyon piso noong 2023 ang ikinalugi ng mga Filipino rice farmers simula noong 2019 matapos ang pagsasabatas ng RTL.
Patuloy naman ang pakikiisa nila Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo at San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari sa mga mag magsasaka ng palay upang makamit ang kanilang mga ipinanawagan na katarungang panlipunan.