6,826 total views
Hinamon ng pangulo ng Caritas Philippines ang pamahalaan at mga mambabatas na ipatupad ang inisyatibong “Apat Dapat” para makamit ng mga manggagawa ang nakakabuhay na sahod.
Ito ang panawagan ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, pangulo ng Caritas Philippines sa paggunita ng pandaigdigang araw ng paggawa o labor day.
Ayon kay Bishop Bagaforo, responsibilidad ng pamahalaan at mga mambabatas na isakatuparan ang “Apat Dapat” na tugon sa mabigat na pasanin ng mamamayang Pilipino lalu na ng mga manggagawa.
Kapaloob sa “Apat Dapat” initiative ang mababang halaga ng mga bilihin at serbisyo publiko, karapat-dapat na umento sa sahod ng mga manggagawa sa buong bansa upang matugunan ang mataas na inflation rate sa bansa.
Pangatlo ang pagtugon sa laganap na kahirapan at paglikha ng pamahalaan ng maraming oportunidad ng trabaho para sa mamamayan.
Nanawagan din si Bishop Bagaforo kasama ang iba’t-ibang labor groups sa pamahalaan at kongreso na i-atras ang panukalang charter change at gawing prayoridad ang kapakanan ng mamamayan.
“Sa panawagang ‘Sahod Itaas! Chacha I-atras!’ itaas ang sahod, ibasura ang Charter change, mariing nakikibaka ang mga manggagawa laban sa patuloy na pagtaas ng mga bilihin at mababang pasahod, hiling ng mga manggagawa na maisasabatas ang dagdag sahod kada araw na kung saan ang 100 pesos na panukala ay inaprubahan na ng senado,” mensahe ni Bishop Bagaforo sa Radio Veritas.
Ipinarating din ni Bishop Bagaforo ang mensahe sa pinangunahang “Misa Para sa Dalangin ng Manggagawang Pilipino: Sahod Itaas, ChaCha Iatras!” ng Simbahan at Komunidad Laban sa ChaCha (SIKLAB).
Nakiisa din sa misa si Senator Risa Hontiveros kasama ang iba pang kinatawan ng labor sector upang mapalakas ang apela ng kalipunan ng mga manggagawa at makamit na ang katarungang panlipunan.
“Kaisa ng buong SIKLAB sa pamumuno ni Bishop Colin Bagaforo na ating naging celebrant, taos puso’t buong loob na pakikiisa ng hanay namin na mga kilusang mamamayan at ng simbahan sa ating mga kababayang manggagawa sa paggunita bukas ng Araw ng Paggawa, buong loob po kaming nakikiisa sa inyong panawagan na Sahod Itaas! Chacha Iatras! buong loob din po kami sumusuporta na ‘Dapat Apat’ bukas at sa mga susunod pang panahon sa pagtatagumpay,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Senator Hontiveros.
Kinilala naman ni Rene Magtubo – Chairperson ng Partido Manggagawa at spokesperson ng Nagkaisa Labor Coalition ang inisyastibo ng SIKLAB na isang malinaw na pagpapakita ng simbahan ng malalim na kasaysayan ng pagkakaisa sa mga manggagawa.
Ayon sa mga pag-aaral ng Ibon Foundation, dahil sa pananatiling mataas ng inflation rate, umaabot na sa 1,207-pesos ang Family Living Wage o halaga ng suweldong ipangtustos ng isang manggagawa sa 5-miyembro ng kanyang pamilya.