13,832 total views
Ito ang tugon ni KMP President Danilo Ramos sa paglilipat ng pangangasiwa ng Philippine Crop Insurance Corp. (PCIC) sa Department of Agriculture.
Sa panayam ng programang Veritas Pilipinas iginiit ni Ramos, dapat gumawa ng programa at polisiya ang pamahalaan na tiyak makatutulong sa mga magsasaka.
“Gusto kong bigyan ng diin kung meron mang nakinabang na iniulat ng gobyerno napakaliit po nito at hindi significant walang impact, mumo ang tulong…Dapat gawin ng gobyerno ang seryosong pagtulong at ayuda sa mga magsasaka,” bahagi ng pahayag ni Ramos.
Batay sa Executive Order 60 ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., isinailalim ang PCIC sa pangangasiwa ng D-A upang higit na matutukan ang pagtugon sa pangangailangan ng mga magsasaka, mangingisda at iba pang manggagawa sa sektor ng agrikultura.
Pangunahing gawain ng PCIC na isang government-owned or -controlled corporation (GOCC) ay magkaloob ng insurance protection sa mga manggagawa sa agrikultura na lubhang maapektuhan ng natural disasters, plant diseases, and pest infestation.
Pinuna ni Ramos na dalawa hanggang tatlong porsyento lamang mula sa kabuuang pondo ng bansa ang inilalaan para sa pagkain sa halip ay pinagtutuunan ng pansin ang malawakang importasyon ng agricultural products.
Iginiit ng KMP na dapat palakasin ang pagsuporta sa sektor ng agrikultura upang makamit ng Pilipinas ang food security.
“Susi sa murang bigas kailangan po talaga tulungan ang mga magsasaka. Ang dapat po ay palakasin ang lokal na produksyon ng pagkain hindi ang importasyon,” giit ni Ramos.
Matatandaang sa Administrative Code of 1987 inatasan nito ang DA na itaguyod ang agricultural development ng bansa sa pamamagitan ng pagbalangkas ng mga polisiya, public investments at support services para sa sektor ng agrikultura.