9,798 total views
Ipinarating ni Caritas Manila Executive Director Fr. Anton CT Pascual ang walang hanggang pasasalamat sa mga donors at benefactors ng Social Arm ng Archdiocese of Manila.
Sa pamamagitan at simpleng pamamahagi ng donasyon sa anumang makakayanang halaga ay nagiging posible ang pagsasabuhay ng Caritas Manila ng diwa ng pagkakawang-gawa sa mga mahihirap.
Ipinagdarasal ng pari na higit pang pagpalain ang mga nakikipagtulungan sa Caritas Manila para sa patuloy na pagbibigay ng dignidad at pamumuhay sa mga mahihirap sa bansa.
“Pagpalain kayo ng Diyos, siksik, liglig at umaapaw at inyong itinutulong sa Caritas Manila, in-cash o in-kind ay tiyak na nakakarating sa mga mahihirap na gustong tulungan ang kanilang sarili dito sa ating bansa at nawa ang ating mga mahihirap ay magkaroon ng pagkakataon at oportunidad sa pag-aaral, kalusugan at kabuhayan at nawa ang inyong pagtulong ay suklian ng Diyos ng maka-isang daang biyaya sa ating mga donors at benefactors, salamat,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Fr.Pascual.
Ito ang mensahe ni Father Pascual sa ginanap na Caritas Manila – Isang Pasasalamat Agape na dinaluhan ng mahigit sa 50 malalaking kompanya, Non-Government Organization, at regular donors na kinilala at pinasalamatan ng Social Arm.
Ipinarating naman ni Fr.Pascual sa mga benepisyaryong mahihirap, estudyante, malnourished na mga bata, ina at Persons Deprived of Liberty (PDL) ang patuloy na pagharap sa mga hamon ng buhay dahil kailanman ay hindi mawawala ang simbahan at mga social arm na katulad ng Caritas Manila upang umalalay at tulungan silang makapamuhay ng may dignidad.
“Sa ating mga beneficiaries, sa mga partnes natin sa develpoment, mga scholars natin mga nanay, mga malnourished children, mga PDL, huwag silang mawalan ng pagasa, ang pagibig ng Diyos at sumasakanila sa pamamagitan ng Caritas Manila at ng mga nagmamagandang loob at nawa ang oportunindad na ito ay gamitin nila upang sila ay maging lingkod din ng Panginoon at tumulong din sa kanilang kapwa mahihirap,” bahagi pa ni mensahe ni Fr.Pascual.