12,383 total views
Hinihikayat ng simbahan ang mga mananampalataya na maging kasangkapan ng pag-asa at pagbabago sa pagdiriwang ng Laudato Si’ Week ngayong taon.
Kasabay ng pagdiriwang sa Linggo ng Pentekostes ay muling pangungunahan ng Laudato Si’ Movement, sa tulong ng Vatican Dicastery for Promoting Integral Human Development, ang pagdiriwang sa Laudato Si’ Week mula May 19 hanggang 26, 2024.
Tema ng Laudato Si’ Week 2024 ang “Seeds of Hope’ na hango mula sa simbolo para sa Season of Creation 2024 na “Firstfruits of Hope”.
Layunin ng pagdiriwang na pagtuunan at higit na maipaunawa sa mananampalataya ang apostolic exhortation ng Kanyang Kabanalan Francisco na Laudate Deum, na sumusuporta sa ensiklikal na Laudato Si’, upang maging inspirasyon para sa personal at kultural na pagbabago sa gitna ng nararanasang krisis sa kalikasan at klima.
“There are no lasting changes without cultural changes… and there are no cultural changes without personal changes,” ayon sa Laudato Si’ 70 ni Pope Francis.
Maliban dito, gugunitain din sa linggong ito ang ikasiyam na anibersaryo ng pagkakalathala ni Pope Francis sa Laudato Si’, gayundin ang pagbabahagi ng Santo Papa ng kanyang mensahe para sa World Day of Prayer for the Care of Creation, na ginugunita tuwing September 1, ang simula ng Season of Creation.
Sa inilabas na Celebration Guide para sa Laudato Si’ Week ay iminumungkahi ang pang-araw-araw na gawain tulad ng Ecological Conversion Sunday; Sustainable Transportation Monday; Sustainable Food Tuesday; Renewable Energy Wednesday; Waste Reduction Thursday; Water Conservation Friday; Catechesis and Integral Ecology Saturday; at Reflection and Commitment Sunday.
Inaasahan sa isang linggong pagdiriwang ay mahikayat ang lahat na higit na palalimin ang paggalang sa sangnilikha, itaguyod ang mga gawaing makakatulong sa kalikasan, at patatagin ang pangako tungo sa buhay na sapat at may paggalang sa nag-iisang tahanan.