17,142 total views
Tinututulan ng Alyansa Tigil Mina ang plano ng Department of Environment and Natural Resources na pabilisin ang proseso sa pagbibigay ng mining permits.
Ito’y matapos na i-anunsyo ni DENR Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga na gawing tatlong taon mula sa anim na taon ang proseso sa mining permits para sa pagpapatupad ng digitalization sa sistema ng kagawaran.
Ayon kay ATM national coordinator Jaybee Garganera, sa halip na pahintulutan ang pagmimina, dapat na gawing prayoridad ng DENR ang mahigpit na pagbabantay at pagpapataw ng parusa sa mga minahan na lumalabag sa mga batas.
“We disagree with the DENR that fast-tracking the permits for more mining projects should be prioritized by the government. While digitalization and parallel-processing will address red-tape and potential corruption, the DENR must focus on increasing its capacities to monitor, assess and penalize erring mining companies for their violations or non-compliance,” pahayag ni Garganera sa panayam ng Radio Veritas.
Sa isang media briefing, pinaliwanag ni Loyzaga na pagtutuunan ng DENR ngayong taon ang digitalization partikular na sa Environment Compliance Certificate projects, gayundin upang makaakit ng mas maraming investors sa Pilipinas.
Katwiran naman ni Garganera na hindi tamang patakaran na palakasin ang industriya ng pagmimina sa bansa para lamang matugunan ang pangangailangan sa transition mineral ng China, United States of America, at European Union.
Pangamba ng ATM na kapag natuloy ang plano ng DENR ay madaragdagan ang mga lugar na mapipinsala ng pagmimina, lalo na ang mga pamayanan.
Iminungkahi ng grupo sa pamahalaan na pagbutihin na lamang ang paghihigpit sa mining sector, at pagtuunan ang pagsuporta at pagsusulong sa renewable energy sector ng bansa.
“To pursue more nickel and copper mining without strengthening the regulatory effectiveness of DENR will create a disastrous situation for affected communities. In the long run, we are afraid that DENR and the national government will be creating more “sacrifice zones” in the name of extracting these transition minerals, while failing to secure a more stable and responsive renewable energy sector here in our country,” ayon kay Garganera.
Mariing tinututulan ng Kanyang Kabanalan Francisco sa Laudato Si’ ang industriya ng pagmimina dahil nag-iiwan lamang ito ng labis na pinsala at paghihirap sa kalikasan at mga apektadong pamayanan.