2,165 total views
THE VICAR APOSTOLIC OF TAYTAY
Bishop’s Residence, Curia Bldg.,
AVT Mission Center, St. Joseph the Worker Village
Montevista, Poblacion, 5312 Taytay, Palawan, Philippines
AVT Liham Pastoral: Huwag Ipagbili ang Ating Bayan
“Gawin mo ang matuwid, hindi ang masama, upang ikaw ay mabuhay.
Sa gayon sasaiyo ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat.”
(Amos 5:14)Mahal kong Bayan ng Diyos sa Bikaryato ng Taytay,
Pinaghahandaan na po ang Halalan ng Mayo 2025. Nagpaparamdam na ang mga
kandidatong tatakbo. Isa pong masamang nangyayari sa halalan dito sa ating bansa
ay ang bilihan ng boto. Talamak na itong nangyayari. Nangyayari po ito kasi may
mga kandidato na namimili ng boto at may mga taong nagbebenta ng kanilang boto.
Masama po ang mga kandidato na namimili ng boto at ang mga taong nagpapabili
ng kanilang boto. Kasama po ba tayong nagpapabili ng ating boto? Nabibili ba tayo?
Pinagbibili ba natin ang ating bayan?Hindi pa tayo nabibili kung tumatanggap lang tayo ng pera. Hindi naman tayo
humihingi ng pera. Ito ay inaalok at inaabot sa atin. Ang masama ay kung bumoboto
tayo ayon sa perang tinanggap natin. Tanggapin po natin ang binibigay sa atin at
magpasalamat pa nga tayo. Pero huwag tayong magpadala dahil sa may natanggap
tayo. Panatilihin natin ang ating kalayaan na bumoto ayon sa mga taong matuwid na
sa ating palagay ay ang mga taong dapat mapagkakatiwalaan natin na magpapalakad
sa ating bansa ng matuwid.Wala po tayong utang na loob sa mga taong nagbigay sa atin ng pera. Una sa lahat,
masama ang namimigay ng pera para iboto sila. Labag sa batas ang mamili ng boto.
Kaya huwag tayong sumunod sa kanila at huwag tayong magpatakot sa kanila. Sila
ang gumagawa ng masama, hindi tayo.Huwag din tayong matakot at magpatakot sa politiko at mga tauhan nila. Hindi tayo
gumawa ng masama sa ating pagtanggap ng perang ibinigay sa atin at sa pagboto ng
napupusuan natin. Wala tayong kasunduan sa kanila kasi hindi tayo maaaring
gumawa ng kasunduan sa masama na ipagbili natin ang ating boto sa kanila. Kahit
na may pinirmahan pa tayo sa kanila. Walang bisa ang pirmang iyon.Walang makakaalam kung sino ang binoto natin kung hindi naman natin ito sasabihin. Hindi
naman tayo mapipilit na sabihin ang binoto natin kasi ito ay isang personal na
desisyon natin. Panindigan natin ang ating boto. Ito ay ginagawa natin sa harap ng
Diyos para sa ikabubuti ng ating bayan. Huwag lang tayo mag-ingay kung kanino
tayo boboto. Kahit na tayo ay kunin na watcher o sa anumang gawain ng isang
politiko, wala tayong obligasyon na botohin siya kung hindi naman siya karapat
dapat. Trabaho lang naman ang ating hinahanap. Huwag lang magsabi kung sino ang
bobotohin natin. Hindi nila iyon malalaman. Huwag magpatakot na may paraan
silang malaman iyon. At kahit na malaman pa nila, ano naman ang magagawa nila
sa atin? Hindi nila maoobliga na ibalik ang pera kasi sila ang gumagawa ng masama
at hindi tayo.Napakita na po natin dito sa Palawan na hindi nananalo ang namimigay ng pera.
Noong plebisito sa paghahati ng lalawigan, ang mga sumusulong na hatiin ang
Palawan sa tatlong lalawigan ay namigay ng pera. Mayayaman sila at nasa poder pa.
Ang nananawagan na isa lang ang lalawigan ng Palawan ay hindi namigay ng pera.
Natalo ang namigay ng pera. Hindi nabibili ang mga Palaweño!
Kung maranasan ng mga politiko na hindi na nila maloloko, mabibili at matatakot
ang mga tao dahil sa perang ibinigay nila, maaaring matigil natin ang kalakaran ng
pamimili ng boto. Mahalin natin ang ating bayan. Sa ganitong paraan pinapakita
natin na mahal natin ang Diyos.
Ang inyong kapwang mamamayan,
MOST REV. BRODERICK S. PABILLO, DD
Obispo ng Bikaryato ng Taytay
Ika-21 ng Setyembre taong 2024