68,263 total views
Muling pinaalalahanan ni Pope Leo XIV ang mga kabataan at mga mag-aaral na huwag maging alipin ng teknolohiya.
Sa Jubilee of the World of Education sa Vatican, sinabi ng Santo Papa na dapat gamitin ng kabataan ang teknolohiya sa tama, at hindi hayaang ito ang magdikta ng kanilang buhay.
Sa pagtitipon ng mga mag-aaral sa Paul VI Audience Hall, binigyang-diin ni Pope Leo XIV na ang teknolohiya ay dapat maging kasangkapan sa kabutihan, hindi kapalit ng tunay na ugnayan at pagninilay.
Ayon sa Santo Papa “We must learn to humanize the digital, building it as a space of fraternity and creativity – not a case where you lock yourselves in, not an addiction or an escape.”
Paalala ng pinunong pastol, sa sobrang paggamit ng cellphone at social media, maraming kabataan ang nawawala sa direksyon at nakakalimot sa tunay na layunin ng buhay.
“To live without faith…is not living but simply getting along. To the heights. Have the courage to live life to the fullest,” bahagi ng mensahe ni Pope Leo XIV sa mga Kabataan.
Ayon sa Santo Papa, huwag hayaang gamitin ng teknolohiya ang tao, sa halip ay gamitin ito para magtulungan, magbahagi ng kabutihan, at magpalaganap ng kapayapaan.
Paalala ng Santo Papa, mas mahalaga pa rin ang pakikipagkapwa at pagninilay kaysa sa virtual world.
Nagpaalala si Pope Leo sa kabataan na huwag maging labis na umaasa sa makabagong teknolohiya tulad ng cellphone, computer, at artificial intelligence.
Ayon sa Santo Papa dapat itong gamitin nang may kabutihan at malasakit, at huwag hayaang ito ang maging sentro ng buhay o maging dahilan ng paglayo sa pananampalataya at pakikisalamuha sa kapwa.
Idinagdag pa niya na kailangang magkaroon ng balanse sa paggamit ng teknolohiya, sa pamamagitan ng katahimikan, pakikinig, at panalangin—upang mapanatili ang malalim na ugnayan sa Diyos at sa kapwa-tao.






