364 total views
Nagpahayag ng suporta ang Archdiocese of Jaro sa pagsisimula ng COVID-19 Vaccine rollout sa probinsya ng Iloilo.
Sa liham sirkular ni Jaro Archbishop Jose Romeo Lazo ay hinikayat nito ang mga lingkod ng Simbahan at bawat mananamapalataya sa arkidiyosesis na magpabakuna bilang bahagi ng tungkulin at pananagutan ng bawat isa para.
Tiwala si Archbishop Lazo na sa kabila ng mga agam-agam ay maliwanagan ang bawat isa sa kahalagahan ng pagpapabakuna para maging ligtas sa COVID 19.
Tiniyak rin ng Arsobispo ang kahandaan ng Arkidiyosesis ng Jaro na makipagtulungan sa lokal na pamahalaan upang makumbinsi ang mga mayroon pa ring alinlangan na magpabakuna ng COVID-19 vaccine.
Pagbabahagi ni Archbishop Lazo sa pamamagitan ng Archdiocesan Commission on Health Care ay handa ang Simbahan na maging katuwang ng pamahalaan sa pagpapaliwanag sa kahalagahan ng bakuna at pagtiyak sa layunin nitong mawakasan na ang pagkalat ng COVID-19 virus sa buong bansa.
“Everyone has the duty to follow his or her conscience but we are likewise reminding ourselves that coupled to this is our duty to inform ourselves of the truth. We recommend responsible vaccination for the common good. Our Archdiocesan Commission on Health is open to assist you in clarifying certain doubts and anxieties that you may have.” Ang bahagi ng liham sirkular ni Jaro Archbishop Jose Romeo Lazo.
Una ng nilinaw ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na ang bawat isa ay may karapatang kumilos ng naaayon sa kaniyang konsensiya at may kalayaang gumawa ng moral na desisyon kung pipiliing mabakunahan o hindi ayon sa kanyang konsensiya.
Nagsimula ang COVID-19 Vaccine rollout sa probinsya ng Iloilo noong ika-8 ng Marso kung saan 18 kahon na naglalaman ng mahigit kumulang 6,000 doses ng Sinovac vaccines ang dumating sa probinsya bilang unang batch ng mga bakuna.