274 total views
Hinimok ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang bawat parokya sa buong Archdiocese of Manila na muling ibalik ang tradisyunal na ringing of bells tuwing ganap na alas-otso ng gabi bilang hudyat ng sama-samang pag-aalay ng panalangin para sa lahat ng mga namayapa.
Ayon kay Cardinal Tagle, napapanahon sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa na muling ibalik ang dating 5-minutong tradisyong ng pagpapatunog ng kampana para sa mga yumao o ang tinaguriang De Profundis.
Muling bubuhayin ang naturang tradisyon sa ika-14 ng Setyembre kasabay ng Feast of the Exaltation of the Cross kung saan hinihimok ang lahat na mag-alay ng panalangin ng Our Father at Hail Mary o kaya naman ay dasalin ang Psalm 130 para sa mga namayapa.
“I also ask that beginning September 14, the Feast of the Exaltation of the Cross, there be a 5-minute tolling or ringing of our church bells at 8:00 in the evening to call on everyone to remember the dead and pray for them. The tolling of the church bells in the evening to pray for the dead is an old Filipino custom that has almost disappeared. Now is the right time to revive it.” Ang bahagi ng panawagan ni Cardinal Tagle sa buong Archdiocese of Manila.
Binigyang diin rin ni Cardinal Tagle na hindi dapat na manahimik at basta na lamang ipagsantabi ng mga mamamayan ang nagaganap na karahasan at pagpaslang sa araw-araw kung saan maraming inosenteng sibilyan ang nadadamay.
Giit ng Cardinal, hindi dapat na mamayani ang kultura ng kamatayan sa ating bayan kung saan tila nagiging normal na lamang ang mga balita ng mga napapaslang ng mga hindi nakikilalang indibidwal sa iba’t ibang lugar.
Samantala, kasabay ng muling pagkundina ni Cardinal Tagle sa hindi maka-Kristyano at maka-taong insidente ng karahasan sa lipunan ay muli rin itong umapela sa lahat ng mga may kagagawan o kaugnayan sa mga patayan na makinig sa kanilang konsensya at muling magbalik loob sa Panginoon.
“We cannot foster a humane and decent Filipino culture by killing. As we denounce as inhuman and un-Christian an act willfully intended and planned to conflict harm or death on a human person, we call on those who harm and kill others to listen to their conscience, the voice of God that summons us to do good and avoid evil…” Dagdag pa ni Cardinal Tagle.
Kaugnay nito, una nang nagsagawa ng isang multi-sectoral dialogue ang mga Obispo ng Ecclesiastical Province of Manila kasama ang mga kinatawan mula sa Department of Interior and Local Government (DILG), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Commission on Human Rights at ilan pang grupo ng mga kabataan at layko upang talakayin ang talamak na kaso ng mga pagkamatay na hinihinalang may kaugnayan sa kampanya ng pamahalaan laban sa illegal na droga.