260 total views
Pinalagpas ni Davao Vice Mayor Paolo Duterte ang pagkakataon na malinis ang pangalan ng kanilang pamilya dahil sa pagtangging ipakita ang kaniyang tattoo sa likod na sinasabing patunay ng pagiging miyembro ng grupong “triad”.
Ayon kay Archbishop Emeritus Oscar Cruz na unang nanawagan ng pagdalo ng batang Duterte at bayaw nitong si Mans Carpio sa Senate inquiry, sa halip na masagot ang mga pagdududa ay mas marami pang katanungan ang sumulpot dahil sa hindi pagsagot ng bise-alkalde sa mga tanong at bintang ni Senador Antonio Trillanes IV.
“Pero, kapag sinuma mo ang lahat ng pangyayari roon, I invoke my right to self incrimination, medyo mag-aalangan ka ng kaunti na may tinatago,” pahayag ni Archbishop Cruz sa Radio Veritas.
Bagama’t hindi maaring husgahan ang magbayaw sa palagiang paggamit ng right to self incrimination o hindi pagsagot sa mga katanungan ay maaring husgahan ng marami na may itinatago nga ang mga pinaghihinalaan.
“It was used every now and then, but itong nakaraang hearing ay mukhang it was invoked more often than not. Maaring walang nakita roon pero siyempre baka maraming tao na may kaugnayan siya,” ayon pa sa Arsobispo.
Sa isinagawang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa P6.4 shipment ng ilegal drugs-inaakusahan ang anak ng pangulo at manugang nito na kabilang sa Davao group na isang maimpluwensyang grupo na nagbigay daan para maipuslit sa Bureau of Customs ang ilegal na kargamento.
Nabanggit sa isang pahayag ni St. Augustine: Gustung-gusto nila ang katotohanan kapag siya ang kumikinang; at mapoot kapag sinasaway; ayaw nilang malinlang, ngunit nais nilang manlinlang. Mahal nila ang katotohanan kapag ipinahayag niya ang sarili at napopoot kapag ipinahayag laban sa kanya.