8,902 total views
Umaasa ang isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na maging epektibo at makabuluhan ang paggunita ng Pambansang Linggo ng Laiko o National Laity Week 2024 ngayong taon upang maihanda ang bawat layko sa nakatakdang Great Jubilee Year 2025.
Ito ang bahagi ng mensahe ni Dipolog Bishop Severo Caermare – chairman ng CBCP Episcopal Commission on the Laity sa paggunita ng National Laity Week na nagsimula noong ika-21 hanggang ika-28 ng Setyembre, 2024.
Ayon sa Obispo, layunin ng taunang pagsasagawa ng Pambansang Linggo ng Laiko na ipaalala at ipadama sa mga layko ang kanilang kahalagahan sa pakikiisa bilang katuwang ng Simbahan sa pagsusulong sa misyon ni Hesus sa sanlibutan.
Binigyang diin ni Bishop Caermare na kaakibat ng pagiging binyagan ang pagiging misyonero na nagpapahayag ng Mabuting Balita sa lahat ng aspeto ng kanilang buhay lalo’t higit sa pamamagitan ng pananalangin.
Tema ng National Laity Week 2024 ay “Laity united in prayer as Pilgrims of Hope” na layuning isulong ang pagkakaisa ng mga laiko sa pananalangin bilang daluyan ng pag-asa.
“As we celebrate the National Laity Week 2024 and embracing the theme “Laity united in prayer as Pilgrims of Hope”, we are reminded of the vital role of the laity’s in the mission and life of the church. As laity you are called to be active participants in the mission of the church within your family and in the community. This mission flows from our baptism and empowered by prayers. Our prayers are powerful. For our prayers unite us not only with each other but with the entire communion of saints.” Bahagi ng pahayag ni Bishop Caermare.
Paliwanag ni Bishop Caermare, kabilang sa pangunahing intensyon ng pagtitipon ang maisulong ang pagkakaroon ng mas malalim na relasyon ng bawat isa sa Panginoon sa pamamagitan ng higit na pagsusulong ng kahalagahan ng pananalangin sa buhay.
Pagbabahagi ng Obispo, mahalaga ang paglalaan ng regular na buhay pananalangin sapagkat ang panalangin ay maituturing na hindi lamang isang armas at pananggalang kundi daluyan ng lakas at pag-asa mula sa Panginoon lalo’t higit sa gitna ng mga hamon at pagsubok sa buhay.
Iginiit din ni Bishop Caermare ang kahalagahan ng buhay panalangin upang hindi malayo at tuwinang manatili sa landas patungo sa Panginoon.
Nagsimula ang paggunita ng National Laity Week noong ika-21 ng Setyembre, 2024 sa St. Michael’s Institute Auditorium, Bacoor, Cavite sa Diyosesis ng Imus habang nakatakda naman ang closing event ng Pambansang Linggo ng Laiko sa ika-28 ng Setyembre, 2024 na isasagawa naman sa Archdiocese of San Fernando, Pampanga.
Ang mga layko ay ang mga binyagan na hindi naordinahan o kabilang sa mga religious congregation na tinatayang bumubuo sa 99.99% ng mga Katoliko sa buong bansa.