369 total views
Ipagdiriwang ng Caritas Manila ang ika-68 anibersaryo bukas ika-8 ng Oktubre taong 2021 na matutunghayan sa pamamagitan ng mga online platform tulad ng Facebook.
Magsisimula ang programa sa pagdiriwang ng banal na misa sa pangunguna ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. ganap na alas-nuwebe ng umaga sa compound ng Caritas Manila sa Pandacan Manila.
Magiging bahagi din ng pagdiriwang ang Commission on Social Service and Development ng Archdiocese of Manila sa pamamagitan ni Rev. Fr. Erik Adoviso habang magbibigay ng pagkilala ang Caritas Manila sa mga lingkod at volunteers nito na naging parte sa tagumpay ng institusyon.
Parte din ng programa ang pagbabahagi ng kaalaman ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David kaugnay sa ‘Social Mission of the Church in the Celebration of the 500 years of Christianity’ habang si Bro. Clifford Sorita isang Sociologist at Chief Strategist ng Radyo Veritas ay tatalakay naman sa kahalagahan ng Kooperatiba.
Inaanyayahan ni Caritas Manila Executive Director at Radio Veritas President Rev. Fr. Anton CT Pascual ang lahat na makiisa sa pagdiriwang ng anibersaryo ng social arm ng Archdiocese of Manila na naging masigasig sa pagsasagawa ng mga program na naglalayong makatulong sa mahihirap sa gitna man ng pandemya.
Magugunitang noong taong 2020 kasabay ng pagpapatupad ng mga quarantine measure sa Pilipinas ay nakipag-tulungan ang Caritas Manila sa iba’t-ibang pribadong grupo para makatulong sa may 1.3 milyong Pamiya sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga gift certificates sa Mega Manila.
Ngayong taong 2021 ay naging abala naman ang Caritas Manila sa pagbibigay ng ayuda na aabot sa 200 milyong piso sa tulong ng isang pribadong organisasyon habang nagpapatuloy din ang scholarship program nito sa may limang libong mag-aaral sa buong bansa.
Ang Caritas Manila ay itinayo noong Oktubre taong 1953 sa pmamagitan ng noo’y Arsobispo ng Maynila Cardinal Rufino Santos at pinangalanan itong Catholic Charities.
Sa kasalukuyan ay nakatuon ang mga programa ng Caritas Manila sa Disaster Response, Health and Crisis assistance, Malnutrition and Hunger alleviation, Educational Scholarship, Restorative Justice, Livelihood at maging ang Plant Based Program.
Mapapanood ang Anniversary Special ng Caritas Manila sa pamamagitan ng Facebook page nito na @CaritasManila at sa @Veritas846.ph.