445 total views
Isasagawa ng grupong Renacimiento Manila ang Pasig River Heritage Appreciation Walk bilang kampanya laban sa binabalak na pagtatayo ng Pasig River Expressway (PAREX) project sa kahabaan ng Ilog Pasig.
Ang nasabing aktibidad ay bahagi ng “Tindig para sa Pasig – #IlogPASIGlahin, #NoToPAREX campaign na kontribusyon ng grupo upang ipabatid sa publiko ang tunay na kahalagahan ng kultura at kasaysayan, maging ang pag-unawa sa maaaring maidulot ng PAREX project sa mga natitirang pamanang pinakaiingatan mula pa noong unang panahon.
“Knowing the cultural and historical significance of this area of the Pasig River is key in understanding why, in the lens of heritage advocates, it is important that PAREX never sees the light of day,” pahayag ng Renacimiento mula sa kanilang facebook post.
Gaganapin ang heritage walk ngayong Sabado, Oktubre 9 mula alas-10 ng umaga hanggang ika-12 ng tanghali.
Magsisilbing lugar-tagpuan ng aktibidad ang Plaza Lawton, kung saan mula sa Lawton ay dadaanan nito ang Jones Bridge, Plaza Moraga at Escolta, patungo sa Sta. Cruz.
Samantala, isasagawa naman sa Oktubre 16 ang Pasig River Art Walk; sa Oktubre 23 ang Pasig River Heritage Photo Walk; habang sa Oktubre 30 naman ay ang Sining para sa Kalikasan at Pamanang Pangkultura.
Libre at bukas para sa publiko ang mga nasabing gawain kaya sa mga nais na makibahagi, bisitahin lamang ang facebook page ng Renacimiento Manila para sa iba pang impormasyon.
Ipinapaalala naman ng grupo ang pagsusuot ng face masks at sundin ang iba pang health protocols bilang pag-iingat laban sa COVID-19.
Ang Renacimiento Manila ay isang organisasyong nagtataguyod sa kahalagahan ng kultura at kasaysayan ng Maynila sa pamamagitan ng pagsisikap na buhayin, pangalagaan at panatilihin ang mga naiwang pamana mula noong unang panahon.