24,881 total views
Nanawagan sa publiko at sa pamahalaan si Kalookan Bishop Pablo Virgilio Cardinal David, Pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), sa panibagong krisis na kinakaharap ng bansa.
Ayon kay Cardinal David, labis na nakababahala ang paglaganap ng legalized online gambling na pumipinsala sa buhay ng maraming Pilipino, lalo na ng mga mahihirap.
Sinabi ng kardinal na ang makabagong pagsusugal ay gumagamit ng recycled hardware mula sa mga ipinasarang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), at ngayo’y pagmamay-ari na ng mga lisensyadong casino operators.
Bukod dito, naa-access ito anumang oras at araw, mas kumikita kumpara sa tradisyunal na casino, at ini-endorso pa ng mga kilalang personalidad—na lalong nagpapadali na maabot ng mga Pilipino, kabilang ang kabataan.
“Victimizing—not foreigners but our own people… totally unregulated, wrecking the lives of poor people who get addicted to it,” pahayag ni Cardinal David.
Binigyang-diin din ni Cardinal David na ang kawalan ng regulasyon sa mga nasabing pagsusugal ay naglalantad sa mga mahihirap sa panganib ng pagkalulong, pagkabaon sa utang, depression, at pagkasira ng pamilya—na nagpapalala sa umiiral na krisis sa kalusugang pangkaisipan.
Ibinahagi ng kardinal ang pahayag ng Panginoon mula sa ebanghelyo ni San Lucas na binabalaan ang mga taong sinasamantala ang kahinaan ng iba—katulad ng online gambling operators na nakikinabang sa pagkalulong ng mahihirap at kabataan, habang inilalagay sa panganib ang kanilang kalusugang pangkaisipan, pamilya, at kinabukasan.
“Jesus once warned those who cause the little ones in society to stumble: It would be better for him if a millstone were put around his neck and he be thrown into the sea,” ayon kay Cardinal David.
Panawagan naman ng Simbahan sa pamahalaan na magpatupad ng mahigpit na pamantayan o tuluyan nang ihinto ang operasyon ng online gambling sa bansa.