153 total views
Ikinalungkot ng Catholic Bishops Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People ang mga nadakip na 29 na mga Pilipina na iligal na nakapasok sa Malaysia at pinagtatrabaho bilang mga guest relations officers (GRO) sa ilang nightclub doon.
Ayon kay Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos, chairman ng komisyon, kinakailangan pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang pagsugpo sa lumalalang bilang ng mga recruitment agencies sa bansa na naglalagay sa kapahamakan sa mga overseas Filipino workers na nais makapagtrabaho abroad.
Pinag – iingat rin nito ang ilang mga nagbabalak na mangibang bansa sa mga illegal recruiters.
“Nakakalungkot higit sa lahat kailangang pag – ukulan ng pansin ng ating mga government officials na huwag mapabayaan, huwag mapariwara ang buhay ng ating mga OFW na dito pa lamang ay maging mahigpit, sa paglabas sa ibang bansa na kung saan ay mahigpit na titignan ang kanilang papeles at yung ating mga recruitment agencies ay dapat tutukan. Tutukan na sila ay dapat may patutunguhan, mayroon bang permit galing sa DOLE, sa POEA at yung mga nagre – recruit ay dapat hulihin, parusahan,” bahagi ng pahayag ni Bishop Santos sa panayam ng Veritas Patrol.
Gayunpaman, ipinanawagan ni Bishop Santos sa papasok na administrasyon na maglikha ng sapat na trabaho sa bansa upang maiwasan na ang pagdami ng nasa 15 milyong OFWs na nakikipag – sapalaran sa ibayong dagat.
“Panawagan natin sa ating pamahalaan lalo na darating na talagang ang kailangang kailangan ngayon ay magkaroon ng trabaho dito sa Pilipinas upang hindi na sila magtrabaho sa labas na napipilitan,” giit pa ni Bishop Santos sa Radyo Veritas.
Samantala, batay naman sa naturang operasyon, tatlong recruiter ng mga Pinay ang inaresto at sasampahan ng kaukulang kaso.
Nauna na ring ipinanawagan ng kanyang Kabanalan Farncisco na kailangang bigyang importansya ang mga OFWs sa kanilang pagsasakripisyo sa bayan mai – angat lamang ang kanilang antas ng pamumuhay at ang ekonomiya ng bansa.