135 total views
Pinayuhan ng CBCP Episcopal Commission on the Laity ang mga bagong talagang miyembro ng gabinete ng Duterte administration lalo na ‘yung mga wala pang karanasan sa kanilang posisyon na humingi ng payo sa mga eksperto o ‘career people’.
Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, Chairman ng komisyon ito ay upang magabayan sila at magawa nila ng tama ang kanilang tungkulin.
“Problema natin marami sa mga appointees hindi career people, pumasok lang sila diyan kasi inappoint sila, kung minsan di nila alam pa ang nangyayari sa loob kaya sana mayroon silang kabukasan at magpagabay sila sa mga career people na nasa loob upang makita talaga at ma-evaluate kung ano ang mga dapat palitan at ipagpatuloy.” Ayon pa sa obispo.
Sa record ng Office of the Philippine President, nasa 43 ang regular na miyembro ng gabinete maliban pa dito ang kani-kanilang assistants at mga tauhan habang sa nagdaang May 9, 2016 elections nasa 18,083 ang elective positions.
Kaugnay nito, pinayuhan din ng obispo ang papasok na administrasyong Duterte na huwag mamulitika sa kanilang pamamahala sa pamamagitan ng hindi pagpapalit sa mga magagandang naipatupad ng nagdaang administrasyon.
Sa halip, aniya dapat itong ipagpatuloy at pagandahin pa gaya ng mga batas na talagang nakinabang ang mamamayan lalo na ang mahihirap.
Dagdag ng obispo, dapat ang mga programa na pumalpak o hindi nakabuti sa taong bayan ang palakasin o di kaya palitan.
“Lahat naman may nagawang kabutihan, ang reflection ko lang pakiusap sa papasok na administrasyon na kapag maganda na hindi na dapat palitan sa halip pagandahin pa kasi ito ang problema sa pulitika na dahil ito ay ginawa ng dati pinapalitan kahit maganda na, kaya magandang gawin sana ipagpatuloy, yung mga mahina at medyo palpak yun ang i-improve at palitan, dapat suriin ng maayos ano ba talaga ang mga programa na nakatulong sa mga tao.” Pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Radyo Veritas.
Sa Social Doctrine of the Church, kinakailangan na sa mga programa ng pamahalaan, ang kapakanan ng nakararami lalo na ang mahihirap ang laging mananaig para maramdaman nilang sila ay may dignidad at sila ay bahagi ng lipunan.