24,598 total views
Walang karapatan ang Pangulong Rodrigo Duterte na magsabi sa pagtataguyod ng karapatang mabuhay gayung may higit na sa 20,000 ang napatay sa Anti-drug War campaign.
Ito ayon kay dating Solicitor General Atty. Florin Hilbay sa katatapos lamang na State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo sa pagbubukas ng 17th Congress.
“Hindi naman puwedeng paghiwalayin sa karapatang mabuhay sa karapatang pantao wala kwentang mabuhay kung walang karapatang pantao. Pangalawa, Hindi ka pwedeng magsabi na ang gusto mo ay karapatang mabuhay kung 20,000 na ang patay,” ayon kay Hilbay.
Itinuturing din ni Hilbay na isang babala ang pahayag ng Pangulo na patuloy na magiging maigting ang kampanya kontra droga ng Pamahalaan.
Nakukulangan naman si Hilbay sa nilalaman ng ulat ng pangulo kabilang na ang Polisiya sa West Philippine Sea, Korupsyon, job and energy Security, at ang Endo o Contractualization ng mga manggagawa.
“Masaya at least hindi nagmura at hindi nambastos. Pero ang Substance parang kulang para sa akin,” ayon kay Hilbay.
Unang nanawagan ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na pagsuporta sa Kampanya kontra droga ng Pamahalaan subalit tutol sa mga pagpaslang.
Sa halip ayon sa CBCP dapat tutukan ang pagpapanibago sa mga Nalulong sa masamang bisyo sa pamamagitan ng Rehabilitasyon.
Bukod sa Sanlakbay ng Archdiocese of Manila ilan din sa may programa ng Community based drug rehabilitation ang Salubong ng Diocese ng Caloocan; HOPE center ng Diocese ng San Jose, Nueva Ecija; ang Labang ng Archdiocese of Cebu at ang 27 taon ng Galilee Homes ng Diocese ng Malolos na nagbibigay ng programa para sa lulong sa Bisyo.
Read: Pangulong Duterte, Hindi itinuturing na tao ang mga napatay sa War on Drugs
Read: Hindi maaring paghiwalayin ang ‘human rights sa human life’