19,576 total views
July 5, 2020, 10:43AM
Umaasa ang chairperson ng Church People-Workers’ Solidarity (CWS) at CBCP NASSA/Caritas Philippines Vice Chairman San Carlos Bishop Gerardo Alminaza na maamyendahan at maipawalang bisa ang pagpapasa ng kontrobersyal na Anti-Terror Act of 2020 kung patuloy na mananawagan ang mamamayan sa pamahalaan.
Ito ay matapos lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong ika-03 ng Hulyo ang pagsasabatas ng Anti-terror Law sa kabila ng mga apela at takot ng iba’t-ibang sektor ng lipunan.
Sa panayam sa Radio Veritas, inihayag ng Obispo ng San Carlos ang kanyang tiwala sa mga Filipino na patuloy na pumanig sa katotohanan at karatungan sa kabila ng mga balakid na dumarating sa bansa.
“Nanalig tayo na dahil nasa panig tayo ng katotohanan at katarungan, we will refuse to be threaten by it. We could not allow fear to let us lose our hope. We should not lose hope in our capacity as a people with God-given rights at may kakayahan tayo to stand up to what it’s good to everybody.” bahagi ng pahayag ni Bishop Alminaza.
Sinabi ng Obispo na bilang kristiyano, ito ang panahon upang mas maipalaganap ang ebanghelyo at turo ng Panginoong Hesukristo kaugnay na rin sa nalalapit na pagdiriwag ng ika-500 taon ng Kristiyanismo sa bansa.
“Kailangan nating alamin kung epektibo ba ang ating evangelization. Kailangan tayong mga taong Simbahan – mga pari at Obispo, kailangan pa talagang magsalita at ipaliwanag nang mabuti para magkaroon ng social conscious ang mga mananampalataya.” dagdag pa ng Obispo.
Kinondena rin ng CBCP NASSA/Caritas Philippines ang pagsasawalang bahala ng Pangulo sa mga apela ng mga mamamayan kaugnay sa pagpapasa ng naturang batas.
Inihayag ng komisyon ang kanilang pagkabahala sa kawalan ng konsiderasyon ng pamahalaan sa panawagan ng mga Filipino.