182 total views
Patuloy ang paghahanda ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kaugnay ng sinasabing pananalasa ng La Nina sa bansa ngayong taon.
Ayon kay MMDA general-manager Corazon Jimenez, kasalukuyan ng nililinis ang mga estero sa Metro Manila at Ilog Pasig habang may pumping stations na rin na gagamitin na umaabot sa 54 na bilang nito.
“May Metro Manila disaster risk reduction management council meeting, ang preparasyon tungkol sa La Nina, natutuwa kami at hindi pa masyado ang epekto nito, baka towards the end of the year pa, on a daily basis yun at yun ang ginagawa namin, nililinis ang river wastes, habang ang El Nino andito pa kasi anytime na may bagyo, ang aming pumping stations, 54 yan, 12 have been fully rehabilitated, na masusubukan ngayong gamitin sa mga flood prone areas.” Pahayag ni Jiminez sa panayam ng radyo Veritas.
Kaugnay nito, ayon sa MMDA general manager, nakipag-ugnayan na rin sila sa lokal na pamahalaan sa Metro Manila mula sa barangay hanggang sa Municipal levels at maging sa Office of the Ombudsman at sa Simbahang Katolika para sa pagpapanatili ng kalinisan sa kapaligiran.
Ito’y para magpalabas ng memorandum sa mamamayan hinggil sa pagsasabing huwag magtapon ng basura sa mga estero, sa lansangan at sa lahat ng pampublikong lugar dahil ito ay sanhi ng pagbabara ng mga estero at kanal.
“FYI, nakikipag-ugnayan kami sa Ombudsman lahat ng nalilinis namin mula March 1, may sulat sa barangay sa mayor my copy ang Ombudsman maging ang Simbahan, kinakalap natin lahat ito para mapagsabihan ang ating mga kababayan na huwag magtapon ng basura.” Dagdag ni Jimenez.
Ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), ¼ o nasa 8,600 tonelada kada araw ng kabuuang basura sa buong Pilipinas, nagmumula sa Metro Manila habang ayon naman sa Kapit Bisip para sa Ilog Pasig Movement, 5 tonelada ng basura ang nakukuha sa nasabing ilog kada araw.
Sa Laudato Si ni Pope Francis, binibigyang diin nito ang kahalagahan ng hindi pagtatapon ng basura sa kapaligiran upang hindi masyadong maramdaman ang epekto ng climate change gaya ng La Nina na sanhi ng malawakang pagbaha kung maraming basura ang nakabara sa mga daluyan ng tubig.