536 total views
Patuloy na tumutulong at inaalam ng Quick Response Team ng National Commission on Indigenous People (NCIP) sa CARAGA Region ang naging ugat ng problema ng mga tribu ng Lumad at tribu ng Magahat sa Agusan del Sur.
Ayon kay Jean Gonzalez – Head ng Quick Response Team ng National Commission on Indigenous People (NCIP) sa CARAGA Region patuloy ang pakikipagpulong ng lokal na pamahalaan sa mga tribo ng Lumad mula sa apat na Sitio sa lalawigan upang mas epektibong makapagpaabot ng tulong sa mga lumikas na katutubo mula sa kanilang mga lugar.
Nagsampa na rin ng kaso ang anak ng isa sa mga Lumad na pinatay ng grupo ng mga Magahat sa Agusan del Sur.
“Tinawag yung ibang IP doon, nag-attend doon sa meeting para kunin yung ano ba talaga yung problema doon, anong maitulong ng LGU so yun nga huminge ng assistance tapos nag-file na sila sa yung anak nagfile na ng kaso doon sa pulis..” Ang bahagi ng pahayag ni Gonzalez sa panayam sa Radio Veritas.
Batay sa tala kumisyon, umabot sa 110 pamilya ang lumikas mula sa 4 na sitio sa Agusan Del Sur na katumbas ng nasa 479 na indibidwal dulot na rin sa takot at panganib sa kanilang buhay ng mga armadong grupo ng tribo Magahat sa lalawigan na wala aniyang pinipili sa pagpaslang.
Sa pagsisiyasat ng NCIP-CARAGA Region, personal na hidwaan ang dahilan ng kasalukuyang kaguluhan at insidente ng karahasan sa lalawigan ng Agusan del Sur na nagsimula pa noong nakalipas na taon.
Kaugnay nga nito, binigyang diin ng Kanyang Kabanalan Francisco sa kanyang Encyclical Letter na Laudato Si ang pagbibigay ng malaking papapahalaga sa mga tribo at katutubo na siyang pangunahing tagapangalaga ng kalikasan.