74,087 total views
Mga Kapanalig, ipinagdiriwang ngayong araw ang International Day of Rural Women.
Sinimulan ang pagdiriwang na ito ng United Nations noong 2008 upang kilalanin ang rural women o kababaihan sa kanayunan. Patuloy na inaanyayahan ng UN ang mga bansang kasapi nito, kabilang ang Pilipinas, na magpatupad ng mga patakaran at programang magpapabuti sa kalagayan ng mga babae sa kanayunan. Kabilang dito ang pagtiyak na nabibigyang-kapangyarihan sila o nagiging empowered, gaya ng pagsama sa kanila sa proseso ng paggawa ng mga desisyong makaaapekto sa kanila. Mapakikinabangan din nila ang mga batas na magtataguyod ng kanilang karapatang magmay-ari ng lupa.
Kumusta kaya ang estado ng kababaihan sa kanayunan sa Pilipinas?
Ayon sa ulat na inilabas ng National Land Coalition at ng National Rural Women Coalition noong Setyembre 2023, patuloy na nakararanas ng diskriminasyon at kakulangan sa suporta ang mga babae sa kanayunan sa ating bansa. Halimbawa, kakaunti sa kanila ang nabibigyan ng lupa sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program. Madalas, tinitingnan lamang ang titulo nila bilang kakabit ng titulo ng kanilang asawa. Hindi rin nabibigyan ng kaukulang pansin at suporta ang mga babaeng mangingisda dahil sa nakasanayang paniniwala na trabahong-bahay lamang ang dapat nilang ginagawa. Ang mga babaeng katutubo naman ay natitigil sa pagsasaka at napipilitang maghanap ng ibang pagkakakitaan dahil sa pang-aagaw ng malalaking korporasyon sa kanilang mga lupang ninuno o ancestral domain.
Bukod sa mga problemang ito, malawakan din ang nararanasan nilang gender-based violence. Pinagtatrabaho sila nang walang kaukulang sahod. Lantad din sila sa pinakamalalang epekto ng climate change.
Komplikado ang nararanasang diskriminasyon at kakulangan sa suporta ng mga babae sa kanayunan. Sila at ang kanilang pamilya—bilang mga magsasaka, mangingisda, at katutubo—ay kabilang sa mga pinakamahirap at pinakaisinasantabing sektor. Nakararanas din sila, bilang babae, ng ibang antas ng diskriminasyon. Inilalarawan sa konsepto ng multiple burden ang mga responsibilidad na pinapasan ng kababaihan sa gawaing-bahay at pag-aalaga sa pamilya, pagtatrabaho, at pagtulong sa kanilang komunidad. Bukod sa marami at mabigat na responsiblidad ang mga ito, hindi sila nababayaran at tila walang tigil ang mga ito.
Bagamat marami nang mga inisyatibo upang magkaroon ng pantay at sapat na oportunidad para sa mga babae, malayo pa ang kailangan nating tahakin, lalo na sa pagbibigay-pansin sa mga pangangailangan at hinaing ng mga babae sa kanayunan. Gaya ng itinutulak ng UN, kilalanin dapat ng ating pamahalaan ang mahalagang papel ng kababaihan sa pag-unlad ng agrikultura, pagkakaroon ng food security, at pagpuksa sa kahirapan sa kanayunan. Hindi ito mangyayari kung hindi kikilalanin at pahahalagahan ang karapatan ng mga magsasaka, mangingisda, katutubo, at iba pang mga sektor sa kanayunan. Kasabay ng mga ito, huwag dapat isantabi ang kapakanan at boses ng mga babae sa kanayunan at dapat ding bigyang-pansin ang mga pangangailangan nila bilang babae.
Ginawa ng Diyos ang mundo hindi lamang para sa lalaki, o para sa mga nasa siyudad, o para sa mayayaman. Ang mundo, gaya ng sabi sa Catholic social teaching na Laudato Si’, ay ginawa Niya para sa lahat, kaya’t importanteng maisaalang-alang ang karapatan ng mahihirap sa pagkamit ng gusto nating kaunlaran para sa ating bayan.
Mga Kapanalig, ibigay natin sa kababaihan sa kanayunan “…ang lahat ng parangal, karapat-dapat [sila] sa papuri ng bayan,” gaya ng sabi sa Mga Kawikaan 31:31. Maisasagawa ito ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga patakarang susuporta sa kanila.