4,696 total views
Hinamon ni Tagum Bishop Medil Aseo ang mga lider ng pamahalaan na unahin ang kapakanan ng mamamayan lalo na ang mga katutubong nangangalaga sa mga likas na yaman ng bansa.
Ayon sa obispo, ang kayamanan ng isang bansa ay hindi dapat sukatin sa pisikal o materyal na yaman lamang, bagkus, ang tunay na yaman ng bansa ay nasa mga tao sa pamamagitan ng kanilang talento, kakayahan, kultura, at kasipagan.
Ang panawagan ni Bishop Aseo ay kaugnay sa pagdiriwang ng Indigenous Peoples’ Sunday at mga nagnanais kumandidato sa nalalapit na 2025 Midterm Election.
“As our nation prepares for the upcoming elections, we call upon our leaders to prioritize the welfare of indigenous communities and the protection of our natural resources. Our country’s true wealth lies not only in its material riches, but also in its people and the land that sustains us,” pahayag ni Bishop Aseo sa panayam ng Radio Veritas.
Binigyang-diin ng obispo na dapat gampanan ng mga nasa kapangyarihan ang kanilang sinumpaang tungkuling maglingkod ng tapat para sa kapakanan ng mamamayan.
Kabilang na rito ang pagpapatupad ng mga batas na magtatanggol sa dignidad at karapatan ng mga katutubong pamayanang nakakaranas ng mga pang-aabuso mula sa mga makapangyarihang umaagaw ng kanilang mga lupaing ninuno.
“We urge those in positions of power to enact laws and policies that uphold the dignity and rights of indigenous peoples and to invest in sustainable solutions that do not destroy God’s creation,” ayon kay Bishop Aseo.
Tinatayang nasa 14 hanggang 18 milyong katutubo ang kabilang sa mahigit 100 natatanging pangkat-etniko sa Pilipinas, na karamiha’y mula sa Cordillera Administrative Region, Mindanao, at Palawan.