12,859 total views
Pinaalalahanan ng kinatawan ni Pope Francis sa Pilipinas ang mananampalataya sa dakilang habag at awa ng Panginoong ipinadama sa sangkatauhan.
Sa pagbukas ng 5th Asian Apostolic Congress on Mercy sa Basilica Minore del Santo Niño de Cebu sinabi ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown na ang pag-alay ni Hesus ng kanyang buhay para sa katubusan ng sanlibutan ang testamento ng pag-ibig ng Diyos para sa bawat isa.
“God has come for us, He has sent his Son for us, Divine Mercy for us, in Blood and Water. That’s the love of God for each one of us,” bahagi ng pagninilay ni Archbishop Brown.
Paliwanag pa ng nuncio na ang dugo at tubig na dumaloy mula sa katawan ni Hesus ay paghahayag ng Diyos sa kanyang pangakong kaligtasan kung saan hindi na kinakailangang mag-alay ng mga hayop para sa katubusan dahil buhay mismo ni Hesus ang inalay sa pagpapakasakit, pagpapako at pagkamatay sa krus.
Pinangunahan ni Archbishop Brown ang pormal na pagbukas sa isang linggong pagtitipon ng mahigit 3, 000 deboto ng Divine Mercy na magtatagal hanggang October 19 sa IEC Convention Center.
Hiniling din ng nuncio sa libu-libong dumalo sa banal na misa ang patuloy na panalangin para sa intensyon ng Kanyang Kabanalan Francisco lalo’t sa kabila ng mga karamdaman ay nagpapatuloy sa paglilingkod sa mahigit isang bilyong katoliko sa mundo kabilang na ang pagbisita sa mga bansa.
“I exhort you to pray for Pope Francis during this week of congress this wonderful time contemplating the heart of Christ, His Divine Mercy,” ani Archbishop Brown.
Katuwang ni Archbishop Brown sa pagdiriwang ng Banal na Misa si Cebu Archbishop Jose Palma, Cebu Auxiliary Bishop Ruben Labajo, WACOM Episcopal Coordinator for Asia, Antipolo Bishop Ruperto Santos, San Carlos Bishop Gerardo Alminaza, Laoag Bishop Renato Mayugba at Lipa Archbishop Emeritus Ramon Arguelles kasama ang iba pang mga bisitang pari.
Bago ang misa sinimulan ang pagtitipon sa sama-samang pananalangin ng Divine Mercy Chaplet.