332 total views
Umapela ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ng taimtim at maalab na panalangin para sa kapakanan ng bawat isa partikular ang mga nasa tinaguriang NCR Plus Bubble na muling isinailalim sa Enhanced Community Quarantine dahil sa muling pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Ayon kay CBCP President Davao Archbishop Romulo Valles, dapat na magkaisa ang bawat mananampalataya sa pananalangin na mawakasan na ang paglaganap ng virus.
Partikular na hinikayat ng Arsobispo ang pananalangin para sa kaligtasan at kapakanan ng lahat mula sa National Capital Region, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal na muling isinailalim sa ECQ sa loob ng isang linggo mula ika-28 ng Marso hanggang ika-4 ng Abril.
Ayon kay Archbishop Valles, hindi dapat na ipagsawalang bahala ang pagdurusa at paghihirap ng kapwa mula sa krisis na dulot ng COVID-19 pandemic lalo na ang mga mahihirap at manggagawa na lubos na maaapektuhan ang kita dahil sa muling pagpapatupad ng ECQ.
Binigyang diin naman ng Arsobispo ang kahalagahan ng pagtutulungan at ugnayan ng Simbahan at ng mga lokal na pamahalaan upang higit na maipatupad at matiyak ang maghigpit na pagsunod ng bawat isa sa mga safety health protocol bilang pag-iingat mula sa pagkalat ng COVID-19 virus sa bansa.
Umaasa naman si Archbishop Valles na sa kabila ng muling pagbabawal sa pagsasagawa ng religious activities ngayong Semana Santa ay mapuno pa rin ng pag-asa ang lahat sa pag-ibig at pangakong kaligtasan ng Panginoon para sa sangkatauhan.