122,963 total views
Mga Kapanalig, balik-eskuwela na para sa ating mga estudyante sa mga pampublikong paaralan at ilang pribadong eskuwelahan.
Kasabay nito ang muling pag-ingay ng debate tungkol sa pagiging epektibo ng K-12 program. Sa isang banda, may mga mungkahing tuluyan na itong buwagin. Naghain si Senador Jinggoy Estrada ng isang panukalang batas para tanggalin na ang senior high school sa K-12. Bigô raw ang K-12 na ihatid ang mga ipinangakong benepisyo ng dagdag na mga taon sa ating basic education. Layunin ng Senate Bill No. 3001 na i-rationalize o gawing mas masinop at mas malinaw ang programang ito para sa ating mga mag-aaral.
Sa kabilang banda, may mga nagsasabing hindi solusyon ang baguhing muli ang basic education system sa ating bansa. Panatilihin daw ang K-12, pero kailangan ng mga reporma. Ganito naman ang pananaw ni Senador Sherwin Gatchalian. Naririnig at nauunawaan naman daw ng senador ang hinaing ng mga magulang dahil dagdag-gastos ang dagdag na taon sa high school. Pero mas malaki raw ang problemang ibubunga kung tuluyang bubuwagin ang K-12. Ang mga magtatapos ng high school ay hindi raw kaagad makakukuha ng trabaho dahil 16 anyos pa lamang sila. Kung may trabaho man para sa kanila, malamang na hindi sapat ang ipasasahod sa kanila. At kapag may trabaho naman, hindi na gugustuhin ng mga estudyante na magkolehiyo pa, bagay na ayaw mangyari ni Senador Gatchalian.
Ang kompromiso, aniya, ay ang pagpapaikli sa haba ng panahong iginugugol ng mga estudyante sa kolehiyo. Sa halip na apat o limang taon ang mga kursong iaalok sa mga gustong magkolehiyo, bakit hindi na lang daw gawing dalawa hanggang tatlong taon lang ang mga ito? Hindi na raw kailangang ituro pa sa kolehiyo ang ilang tinatawag na general subjects dahil naituro na dapat ang mga ito sa junior at senior high school.
Gaya ng napakaraming batas sa ating bansa, ang batas na nagtatag ng K-12 program ay hindi raw naging maayos ang implementasyon. Tandaan nating ang pangunahing layunin ng programang ito ay ang gawing handa ang ating mga mag-aaral sa pagtatrabaho o sa karerang nais nilang tahakin. Idinisenyo dapat ang curriculum ng K-12 para makahubog ang ating mga paaralan ng mga Pilipinong may angking kakayahan o competencies. Kabilang sa mga comptencies na ito ang literacy o kakayahang magbasa at intindihin ang binabasa; communication o kakayahang iparating nang malinaw ang gusto nilang sabihin; at critical thinking o ang kakayahang suriin ang mga impormasyon para gumawa ng makatwirang solusyon sa mga problema.
Walang makatututol sa mga layuning ito ng K-12 program, pero mula nang maisabatas at maisakatuparan ang programang ito, maraming butas sa implementasyon na hindi agad naagapan. Kasama sa mga problema ang kakulangan ng mga learning materials, siksikan na mga silid-aralan, kawalan ng mga laboratoryo, at sobrang daming kailangang ipaunawa sa mga estudyante sa loob ng kakaunting panahon. Maituturing na malaking problema rin ang kakulangan sa mga gurong may sapat at akmang kakayahan para ipasa sa mga estudyante ang mga kailangan nilang kaalaman. Sa mga pampublikong paaralan, tambak pa ang trabaho ng ating mga teachers.
Pero kahit wala pang K-12, hindi ba problema na natin ang mga ito?
Mga Kapanalig, lumalago ang dignidad ng tao kapag nakatatanggap siya ng dekalidad na edukasyon. “Higit na mainam sa ginto ang magkaroon ng karunungan,” sabi pa nga sa Mga Kawikaan 16:16. Sa halip na magpadala sa damdamin o magpasikat sa publiko, bakit hindi suriing mabuti ng ating mga mambabatas ang K-12 para mahanap kung nasaan talaga ang problema. Sa pagsusuring ito, hindi mga pulitiko ang dapat nangunguna kundi ang mga eksperto sa sektor ng edukasyon, mga magulang, at mga bata mismo.
Sumainyo ang katotohanan.