18,847 total views
Nakiisa ang Ecumenical Institute for Labor Education and Research (EILER) sa panawagan na isabatas ang 200-pesos wage hike para sa mga manggagawa sa kabila tuluyang pagsasantabi ng House Bill (HB) No. 11376 a “Wage Hike for Minimum Wage Workers Act” sa kongreso.
Ayon sa EILER President Renan Ortiz, sa kanilang pag-aaral ay kakayanin at hindi ikakalugi ng mga kompanya ang pagpapataas sa suweldo ng mga manggagawa.
“Sa harap ng nagtataasang presyo ng mga bilihin, hindi katanggap-tanggap ang ginawa ng Senado na pagwawalang-bahala sa PhP 200 na panukalang umento sa sahod,” ayon sa mensahe ni Ortiz.
Ayon sa EILER, base sa kanilang pag-aaral sa Annual Survey of Philippine Business and Industry 2022 ng Philippine Statistics Authority (PSA) aabot lamang sa 13% hanggang 17% ang mababawas sa kabuoang kita ng mga kompanya at Micro Small Medium Enterprises (MSME) kung maisabatas ang naisantabing panukala.
“Mali rin ang sinasabi ng mga malalaking korporasyon na natural na resulta ng umento sa sahod ang pagtaas ng presyo. Mangyayari lamang ito dahil ipapasa ng mga korporasyon sa consumer ang dagdag gastos mula sa umento sa sahod. Ibig sabihin, tataas ang presyo hindi dahil sa umento sa sahod mismo kundi dahil sa interes ng malalaking korporasyon na mapanatili ang laki ng kanilang tubo. Sa katunayan, hindi pa tumataas ang sahod, matarik na ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin,” Bahagi pa ng mensahe ni Ortiz.
Hunyo ng tuluyang maisantabi sa kongreso ang panukala na unang naipasa sa Senado noong Pebrero sa bersyon nitong Senate Bill No. 2534 o P100 Daily Minimum Wage Increase Act of 2024.
Kaugnay nito, una ng umapela ang Church People – Workers Solidarity na kasabay ng kahalagahan ng kagyat na pagsasabatas ng panukala ay mahalagang isaalang-alang ng pamahalaan ang kalagayan ng mga MSME upang maiwasan ang pagkawala ng trabaho dahil sa posibilidad ng pagkalugi.