23,125 total views
Naniniwala si 1987 Constitutional Framer and Former Associate Justice Adolfo Azcuna na may angking talino at talas ng isip ang mamamayang Pilipino maging sa usaping politikal.
Sa programang Veritasan sa EDSA Shrine ay ibinahagi ng dating hukom na siya ring principal author ng charter’s impeachment provisions sa Konstitusyon na may angking talas ng isip ang taumbayan upang malaman ang katotohanan sa oras na umusad na ang impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Azcuna, nakasalalay sa paglabas ng mga ebidensya sa isasagawang paglilitis kung paano mailalahad sa publiko ang katotohanan mula sa mga alegasyon ng iba’t ibang kaso laban sa Bise Presidente.
“Siguro naman kapag lahat ng ebidensya nakapasok both sides yung taumbayan naman natin ay intelligent palagay ko malalaman nila ang katotohanan dahil they have their own unique way of judging things, and our people shown in our history have been very sharp in political matters sa palagay ko malalaman nila ang katotohanan after the trial.” Bahagi ng pahayag ni Azcuna sa Radyo Veritas.
Inaanyayahan naman ng dating hukom ang bawat mamamayang Pilipino na ipanalangin ang mga opisyal ng pamahalaan partikular na ang mga mambabatas sa Senado at Mababang Kapulungan ng Kongreso upang tupdin ang kanilang sinumpaang tungkulin na isulong ang katarungan at kabutihan ng bayan.
Paliwanag ni Azcuna, nakasalalay sa katapatan at paninindigan ng mga mambabatas kaugnay sa kontrobersyal na impeachment laban kay Vice President Sara Duterte ang patunay sa kung may kakayahan nga ba ang sambayanang Pilipino na magkaroon ng isang ganap na demokratikong pamamahala sa bansa.
“We are at the EDSA Shrine – Let us pray, that our officials may be faithful to their duties, to their oath of office, and we will prove through this exercise that the Filipino people is capable of democratic governance.” Dagdag pa ni Azcuna.
Matatandaang Pebrero 5, 2025 ng unang inaprubahan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang impeachment laban kay Vice President Sara Duterte na pinaboran ng 215 mambabatas kung saan kabilang sa mga kaso laban sa Bise Presidente ang paglabag sa Konstitusyon, pagtataksil sa tiwala ng publiko, pandarambong, katiwalian sa kaban ng bayan at iba pang mabibigat ng krimen.
Samantala, matapos naman ang ilang oras na deliberasyon noong Martes ika-10 ng Hunyo, 2025 ay bumoto ang 18 senador pabor sa inihaing mosyon ni Sen. Alan Peter Cayetano na ibalik ang impeachment complaints ng bise presidente sa Kongreso.
Kabilang sa 18-senador na ito ay sina Cayetano, Ronald “Bato” dela Rosa, Bong Revilla, Imee Marcos, JV Ejercito, Bong Go, Loren Legarda, Robinhood Padilla, Jinggoy Estrada, Francis Tolentino, Joel Villanueva, Pia Cayetano, Lito Lapid, Cynthia Villar, Mark Villar, Juan Miguel Zubiri, Raffy Tulfo, at si Senate President Francis Escudero na siya ring impeachment presiding officer.
Tangi namang limang Senador naman ang hindi sumang-ayon sa nasabing mosyon na sina Sen. Koko Pimentel, Risa Hontiveros, Nancy Binay, Grace Poe, at Sherwin Gatchalian.