192 total views
Mga kabataan at mahihirap sa Diocese of Tarlac ang pagtutuunan ng pansin ng bagong talagang obispo nito na si Bishop Enrique Macaraeg.
Sa panayam ng Radyo Veritas, ayon kay bishop Macaraeg, pinag-aaralan na niya ang pastoral thrust at direction ng diocese upang kaagad maka-aksyon at makatulong sa pangangailangan ng mga mamamayan lalo na sa usapin ng formation.
Sinabi pa ng obispo na nag-iisip na rin sila ng mga programa para sa mga kabataan at sa mahihirap upang kahit paano ay makatulong ang Simbahan doon.
“Pag-aaralan namin ang pastoral thrust and directions ng diocese of Tarlac at bibigyan pansin ang mahihirap, gagawa ng mga programa na para kahit paano makatulong sa kanilang sitwasyon para mapabuti naman ang kanilang pamumuhay sa ilalim ng mga programa ng diocese at sa parishes para sa mahihirap.” Pahayag ni Bishop Macaraeg sa panayam ng Radyo Veritas.
Nag-alay din ng panalangin ang obispo para sa mahihirap na maibsan nawa kahit paano ang kanilang mga pasanin sa buhay.
“Ama naming Panginoon, kami po ay laging nanalangin para sa aming mga kapatid na ngayon ay nahihirapan at nagugutom walang makain sa kanilang tahanan, dahil sa wala silang pera pambili ng pagkain, naway mabigyan sila ng pagkakataon na makapag-hanapbuhay at kumita ng pera para sa kanilang ikabubuhay, pagkain at mapakain ang kanilang pamilya, hinihiling namin ito sa pammagitan ni Jesuskristo na aming Panginoon.” Panalangin ng obispo.
Nito lamang nagdaang Mayo -24, ang ordinasyon ni Bishop Macaraeg at Mayo a-31 ang kanyang instalasyon sa pangunguna ng Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Guiseppe Pinto.
Si Bishop Macaraeg ang dating vicar-general ng archdiocese of Lingayen-Dagupan.
Nasa mahigit 90 na ang obispo ng Simbahang Katolika sa bansa.
Sa ulat ng Philippine Institute for Development Studies noong 2008-2009, 40.1 percent ng resident eng Tarlac nabubuhay ‘Significantly below average’ habang 47.3 percent ang below average.