220 total views
Patuloy na inaanyayahan ng CBCP for Academics at ng Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP) ang mga kabataang lalaki na papasok na Senior High School (Grade 11) na bukas pa rin ang Minor Seminaries para sa mga nais pumasok bagamat pasukan na sa June 13.
Ayon kay Fr. Maxel Noel Aranilla, secretary for Academics ng CBCP at chairman ng CEAP Committee on Seminary Education, humingi lamang ng tulong ang mga ito sa kani-kanilang parish priest upang malaman kung paano mag-enrol.
Dagdag ng pari, libre ang matrikula kung saan kung may babayaran, ito ay sakop na ng voucher na ibinibigay ng Department of Education.
“Inaanyayahan natin ang mga kabataan na ngayon ay nakatapos na ng Grade 11, lalo na ang mga kabataang lalaki, pinakamadaling paraan aabot pa kayo, lumapit kayo sa inyong parish priest at humingi ng tulong kung paano kayo makakapasok sa seminaryo, in general, walang tuition fee sa seminary, babayaran nyo lang board and lodging, if may matrikula man very minimal lamang, at ‘yun ay matutulungan pa ng ating existing voucher program ng gobyerno.” Ayon kay Fr. Aranilla sa panayam ng Radyo Veritas.
Ayon kay Fr. Aranilla, nasa 25 ang minor seminaries (high school seminaries) sa buong bansa at karamihan sa mga ito nagbukas ng senior high school maliban pa sa mga college seminaries na nagbukas din ng Grade 11.
Ipinagmalaki rin ng pari na isa sila sa nakapag-submit ng maaga sa DepEd para sa kanilang curriculum sa Senior High School noon pang 2014.
Gayunman, inaasahan ni Fr. Aranilla na kung papasok sa minor seminaries at matatapos, nawa tumuloy sila sa college seminaries.
“Isa po tayo sa mga unang nakapag-submit ng curriculum sa sr. high 2014 naayos natin ang curriculum ng ating minor seminaries under ng general academics so inaasahan natin pagtapos nila ng sr sana tumuloy sila sa college seminaries kundi man, pede nilang magamit yan paglipat nila sa ibang paraaalan sakaling mag-decide sila na hindi tutuloy sa college seminary.” Ayon pa kay Fr. Aranilla.
Una ng nanawagan ang Simbahang Katolika sa pangunguna ng Kanyang Kabanalan Francisco sa mga kabataang lalaki na maglingkod sa Panginoon upang may mga bagong henerasyon na magpapatuloy sa pagpapakalat ng Mabuting Balita.