2,636 total views
Kinondena ng makakalikasang grupo ang kakulangan ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr na pagtuunan ang kalagayan ng mga tagapagtanggol ng kalikasan sa bansa.
Ayon kay Kalikasan Peoples’ Network for the Environment national coordinator Jon Bonifacio, dapat bigyang-pansin ng pamahalaan ang paglikha at pagpapasa ng mga batas na mangangalaga sa karapatan ng mga tagapagtanggol ng kalikasan at mamamayan.
“Kalikasan PNE believes that we need laws that focus on safeguarding the rights of environmental and human rights defenders,” pahayag ni Bonifacio.
Ginawa ng Kalikasan PNE ang pahayag kasabay ng isinagawang two-day conference na inorganisa ng Environmental Defenders Congress, at tinalakay ang mga karahasang patuloy na nangyayari sa ilalim ng Marcos Jr. administration.
Iginiit ng grupo na mas lumala pa ngayong taon ang pang-aatake sa mga tagapagtanggol ng kalikasan sa buong bansa kung saan naitala ang hindi bababa sa 10 land and environmental defenders na pinaslang dahil sa paninindigang pangalagaan at ipagtanggol ang mga likas na yaman.
“While this presents a welcome drop in the number of killings, this is on top of hundreds of other human rights violations against Indigenous peoples, small farmers, fisherfolk, and other environmental stewards,” ayon kay Bonifacio.
Kabilang sa mga panawagang agad na maisabatas ay ang Enviromental Defense Bill at ang Human Rights Defenders Protection Bill na higit na kailangan lalo na sa panahon ngayon.
Nakasaad sa Laudato Si’ ni Pope Francis na mahalaga ang pagiging mapagmatyag ng pamayanan upang matiyak na wasto at may moral na pamantayan ang pamahalaan sa pagpapatupad ng mga batas na nangangalaga sa kalikasan at mamamayan.