2,578 total views
Umaasa ang prison ministry ng Simbahan na muli ring maranasan ng mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) o mga bilanggo ang pagdalo sa Simbang Gabi maging sa loob ng mga bilangguan.
Ito ang ibinahagi ni Legazpi Bishop Joel Baylon – chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Prison Pastoral Care kaugnay sa pagsisimula ng Simbang Gabi at Misa de Gallo.
Ayon sa Obispo, nakasalalay sa pahintulot ng mga opisyal ng bilangguan kung pahihintulutan ang pagsasagawa ng Simbang Gabi at Misa de Gallo sa mga bilangguan.
“Depende sa kung ano ang feeling ng mga wardens, ng prison officers kung papayagan na, pero sa amin sa parte namin we would like to do that as much as open, as much as we can, hindi man siguro araw araw o gabi gabi kasi depende din sa availability din ng mga pari dahil may mga pastoral responsibilities din sa mga parokya at mga barangay but at least yung makaranas din sana ang mga kapatid nating nasa bilangguan nitong Simbang Gabing ito…” pahayag ni Bishop Baylon sa Radio Veritas.
Ang pagdiriwang ng simbang gabi at misa de gallo ay naging bahagi na ng tradisyon ng mga Filipino na siyam na araw na pagdiriwang ng banal na misa bilang paghahanda ng Simbahan at mga mananamalataya sa Pasko ng Pagsilang o kapanganakan ng Panginoong Hesus.