13,139 total views
Dismayado ang Church People Workers Solidarity (CWS) sa pag-uulat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa bayan.
Ayon kay CWS National Capital Region Chairman Father Noel Gatchalian, hindi nakita ng pangulo ang tunay na kalagayan ng mga Pilipinong nararanasan ang kahirapan.
Tinukoy ni Fr. Gatchalian ang kawalan ng malasakit ng pangulong Marcos sa kalagayan ng mga manggagawa na pinahihirapan ng mataas na inflation rate, mababang sahod at hindi pantay na benepisyo.
“Tapos yung sahod ng mga manggagawa hindi naman tumataas, nadadagdagan palang ng 50-pesos, ano ba yun? ibig sabihin malayong-malayo sa 1,200 na sahod na nanakakabuhay para sa isang manggagawa kaya ibig sabihin. palagay ko hindi niya gaanong nadadama yung mga pangangailangan ng tao, kaya palagay ko kahit na nagtatagalog siya, maganda yung- iba yung pagsasalita sa talagang gumagawa kasi marami siyang ipinangako pero dapat doon- tapos na ang kalahati ng kaniyang administrasyon, tatlong taon na ang nakalipas, napapansin ko na yung mga tao, walang tiwala na mayroon pa siyang magagawa, medyo mahina talaga ang kaniyang mga na-mention,” ayon sa panayam ng Radyo Veritas kay Fr.Gatchalian.
Patuloy naman ang apela ng pari sa gobyerno na ipatupad ang iisang national minimum wage na 1,200-pesos kada araw upang mabigyan ng dignidad ang mga manggagawa at makaagapay sa tuloy-tuloy na pagtaas ng halaga ng mga pangunahing bilihin.
“Kaya palagay ko ang mga manggagawa walang masyadong maasahan kaya kinakailangan tayong magtulungan sapagkat pagkakataon mo na bilang isang mamumuno, bilang presidente na gumawa ng aksyon, bagay na mas kongkreto pa talaga para sa mga manggagawa,” bahagi pa ng panayam ng Radyo Veritas kay Fr.Gatchalian.