53,182 total views
Mga Kapanalig, nagsisimula ngayong araw, ika-11 ng Pebrero, ang campaign period para sa mga kandidatong tumatakbo para mga pambansang posisyon.
Sinong mag-aakalang may opisyal na campaign period pala? Malayung-malayo pa ang eleksyon, kaliwa’t kanan na ang mga patalastas sa TV, radyo, diyaryo, at maging sa social media ng mga pulitiko. Tadtad ng mga tarpaulin ang mga poste, at naglalakihan ang kanilang mga billboards sa lansangan. Paulit-ulit at nakaririndi na ang kanilang mga jingles, pero sinasadya nila iyon para tumatak ang kanilang pangalan sa ating kamalayan. Kanya-kanya silang pakulo para makilala sila ng publiko—may mga nagpapaka-vlogger, nagpapa-interview sa mga social media personalities, at may sariling programa pa sa TV.
Hindi po biro ang gastos sa mga pakulóng ito. Ayon nga sa Philippine Center for Investigative Journalism (o PCIJ), isang taon pa bago ang eleksyon sa Mayo, umabot na sa 3.54 milyong piso ang ginastos ng labing-apat sa mga naghahangad na maging senador ng bansa. Wala pa man ang panahon ng pagsusumite ng certificate of candidacy, ganito na kalaki ang inilabas na pera ng mga kandidato, lalo na sa social media. Dagdag pa ng PCIJ, hindi pa rito kasama ang ibang gastusin na hindi na nila idinideklara.
Samantala, hanggang sa araw bago ang pagsusumite ng mga kandidato ng kanilang certificate of candidacy noong Oktubre 2024, natuklasan ng PCIJ na umabot na sa apat na bilyong piso ang ginastos ng mga pulitiko sa mga patalastas. Apat na bilyong piso, mga Kapanalig! Hindi naman lingid sa kaalaman natin kung paano ito mababawi ng mga mananalong kandidato.
Pero sa huli, mahalagang batayan ng ating pagboto ang plataporma ng mga kandidato. Anu-ano ang kanilang adbokasiya? Ano ang kanilang posisyon sa mga mahahalagang usapin ng bayan? Anong solusyon ang inihahain nila sa mga problemang kinakaharap ng mga ordinaryong Pilipino, lalo na ng mahihirap?
Sa isang survey na isinagawa ng Social Weather Stations (o SWS) noong isang buwan, inilista ang mga pangunahing isyung magtutulak sa mga botante para iboto ang isang kandidato. Tinanong sila: “Kung sakali po na ang isang kandidato ay magsusulong ng [isang partikular na isyu] sa halalan sa Mayo 2025, siya po ba ay siguradong inyong iboboto, malamang na iboboto, malamang na hindi iboboto, siguradong hindi iboboto, o walang magiging epekto ang isyung ito sa magiging boto ninyo?”
Ano ang isinagot ng mga kalahok sa survey?
Nangungunang isyu para sa kanila ang pagpaparami ng trabaho sa ating bansa; 94% ang nagsabing iboboto nila ang kandidatong prayoridad ito. Ganito rin karami ang nagsabing ihahalal nila ang mga kandidatong nagsusulong nga kaunlaran sa agrikultura para matiyak na may pagkain tayo. Pasok sa top 5 na listahan ng mga isyu ang pagpapalakas ng ating health care system, pagtitiyak sa patas na access sa edukasyon, at pangangalaga sa kapakanan ng mga manggagawa. Halos siyam sa sampung tinanong sa survey ang nagsabing iboboto rin nila ang mga kandidatong tutugon sa kahirapan at kagutuman, babawasan ang epekto ng climate change, at makapagkokontrol sa presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Sa mga susunod na buwan, asahan nating iingay pa ang kampanya ng mga gustong maging senador ng bansa. Maraming pangako ang kanilang bibitawan. Maraming pagbabago ang sisimulan daw nila. Kaya naman, gawin din dapat nating mga botante ang ating obligasyon: ang suriing mabuti ang mga nanunuyo para sa ating boto. Gamitin nating paalala ang Mga Awit 120:2: “Sa taong ‘di tapat, gawai’y manlinlang, Yahweh, iligtas mo’t ako’y isanggalang.”
Mga Kapanalig, minsang sinabi ni Pope Francis, “We need to participate for the common good.” Ang pagboto ay isang hakbang tungo sa kabutihang panlahat. Gawin natin ito nang may pagsasaalang-alang ‘di lang para sa ating sarili kundi pati sa ating kapwa.
Sumainyo ang katotohanan.