189 total views
Mga Kapanalig, ngayong araw, ika-8 ng Pebrero, ang opisyal na simula ng kampanya ng mga kumakandidato para sa mga national positions mula pangulo at pangalawang pangulo hanggang sa mga senador. Sa opisyal na tala ng Comelec, may sampung kumakandidato sa pagkapangulo, siyam sa pagka-bise presidente, at mahigit animnapung gustong maging senador.
Bagamat matagal nang nagpaparamdam ang mga kandidato sa kaliwa’t kanan nilang mga patalastas sa TV, mga interview na pinauunlakan, at presensya sa social media, ngayon pa lang nila maaaring sabihing iboto sila sa posisyong nais nilang makuha. Talagang election fever na nga sa ating bansa, at hindi natin maikakailang nakapahalaga ng darating na halalan lalo na ngayong nasa gitna pa rin tayo ng pandemya at dama pa rin natin ang epekto ng uri ng pamamahalang ibinigay sa ating mga Pilipino sa loob ng nakalipas na anim na taon.
Kaya mahalagang sineseryoso natin ang pagganap sa ating tungkuling bumoto, at dapat din tayong seryosohin ng mga kandidatong nais maging lider ng pamahalaan sa susunod na anim na taon. Kumbaga sa paghahanap ng trabaho, ang mga kandidato ay mga manggagawang nais matanggap sa trabahong nais nilang pasukan. Samakatuwid, dapat natin silang kilatising mabuti at sila rin ay dapat na bukás na makilatis. Kapag nag-a-apply tayo ng trabaho, maraming requirements ang hinihingi dahil mahalagang malaman kung akma ba ang ating mga kakayanan at kaalaman sa hinihingi ng trabaho. Mayroon ding character references na tutulong sa mga mag-e-empleyo na alamin ang pagkatao ng mga nag-a-apply. At mayroon pang interview upang mas makilala ang nag-a-apply. Kung ganito kabusisi ang prosesong pinagdaraanan ng mga manggagawa, hindi ba’t ganito rin dapat ang pinagdaranaan ng mga kumakandidato?
At mayroon naman silang pagkakataon na gawin ito. Hindi man itinatakda ng batas, marapat lamang nating asahan ang mga nagpi-prisintang maging pinuno ng bayan na ipakilala ang kanilang sarili, ilahad ang kanilang karanasan, at ipaliwanag ang kanilang mga plano at hangarin para sa bansa. At kung tumatanggi ang mga kandidato sa mga ito, masasabi ba nating sineseryoso nila tayo?
Ngunit maliban sa mga ito, mahalagang makita rin natin ang kanilang tunay na hangaring maglingkod. Para sa ating mga Katoliko, ang pamumuno ay paglilingkod. Sabi nga ni Pope Francis, “For leadership there is only one road: service. There is no other way. If you have many qualities , the ability to communicate, but you are not a servant, your leadership will fail, it is useless, it has not power to gather [people] together… Leadership must enter into service, but with a personal love for the people.” Dapat na makita natin ito ngayon pa lang sa mga kumakandidato.
Sa ating pananampalataya, si Hesus ang pangunahing halimbawa ng tinatawag nating servant leadership. Hindi tayo naghahanap ng perpektong pinuno o ng isang taong magliligtas sa atin; ang binibigyang-diin natin ay ang kahalagahan ng pamumunong inuuna ang kapakanan ng taumbayan. Maalala natin rito ang tagpo sa Ebanghelyo ni San Juan 13:1-17 kung saan hinugasan ni Hesus ang paa ng Kanyang mga alagad; nagpakita siya ng halimbawang dapat isabuhay ng mga sumusunod sa Kanya. At bilang mga Kristiyano, maging gabay din sana natin ito sa pagpili ng mga mamumuno sa atin sa susunod na anim na taon.
Tanungin natin ang ating mga sarili: sinu-sino sa mga tumatakbo ngayon ang nakikita nating seryosong paglingkuran ang mga Pilipino? Sinu-sino sa kanila ang nagbibigay ng inspirasyon sa ating maging tapat sa paglilingkod? Sinu-sino sa kanila ang nagpapakita ng mabuting halimbawa sa ating mga mamamayan? Sinu-sino sa kanila ang pumapanig sa katotohanan at katarungang mahalaga sa tunay na serbisyong publiko?
Mga Kapanalig, maging matalinong botante upang ang mananalong pinuno ay hindi lamang mahusay at matino kundi tunay na maglilingkod sa bayan.