31,689 total views

Homiliya – Bihilya Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon,
Triduum Mass para sa Birhen ng Nieva, 6 Setyembre 2025, Lk 14:25–33; Salmo 90
Napakalakas ng dating ng salitang ginamit ni Hesus sa Ebanghelyong narinig natin: ang salitang “kamuhian.” Sabi ni Hesus: “Na kung ibig daw nating maging alagad niya, maging handa daw tayong kamuhian ang ama’t ina, asawa’t mga anak, kapatid, at maging sa sariling buhay.” Nakakagulat, hindi ba? Paano ba mai-rereconcile ito sa mga turo ni Hesus tungkol sa pag-ibig sa Diyos, sa kapwa at maging sa namumuhi sa atin?
Mahusay ding gumamit si Hesus ng mga paraan ng pananalita na may halong biro, sarcastic ang dating o nang-aasar. Kung minsan, nilalagyan ng quotation marks ang salitang “kamuhian” dahil galing ito sa paratang ng mga namumuhi noon sa mga sinaunang Kristiyano. Kung anu-ano ang itinawag noon sa kanila para siraan sila: rebelde laban sa gobyerno, mga panatiko, mga baliw, kanibal sa kumakain ng katawan at dugo ng kanilang iniidolo. Tinawag din silang mga “taga-wasak ng pamilya” dahil marami sa kanila ang itinakwil ng pamilyang Hudyo. Ang punto niya ay ganito: handa ba kayong humarap sa pagsubok? Magdusa at magsakripisyo? Di ba may kantang ganito: “I beg your pardon, I never promised you a rose garden.” Nililinaw niya: ang makipagkaisa sa buhay niya at misyon ay hindi hindi madali; may kaakibat na sakripisyo.
At dito pumapasok ang tanong ng Salmo 90: “Ituro mo sa amin na bilangin ang aming mga araw nang tama upang kami’y magkaroon ng karunungan ng puso.” Maikli lang ang buhay. Parang damo sa umaga, nalalanta sa gabi. Hindi ang haba ng buhay ang sukatan, kundi kung paano natin isinabuhay ito. Si Hesus, tatlumpu’t tatlong taon lang nabuhay sa lupa, tatlong taon lang nangaral at nagmisyon, pero hanggang ngayon, dalawang libong taon na, patuloy pa rin ang Kanyang impluwensiya sa buong mundo.
Minsan, kailangan nating matutong manahimik at maghintay. Tulad ng imahen ng Birhen ng Nieva na minsang itinago sa ilalim ng lupa habang dumaraan ang kaguluhan sa Espanya. Tulad ni Elias na naghintay hanggang lumipas ang bagyo at lindol bago niya marinig ang mahinang tinig ng Diyos. Tulad ni Hesus na pumunta sa ilang para maghanda sa Kanyang misyon. Doon lumalago ang karunungan ng puso.
Mga kapatid, hindi tungkol sa pagkakapit sa maraming bagay ang pagiging Kristiyano. Ito ay tungkol sa kahandaang matuto kung ano ang dapat nating bitiwan para sumunod nang buong puso kay Kristo. Ang ibig sabihin ng “kamuhian” ay ito: Ano ang kaya mong isuko, para makapagmahal nang higit?
At ngayon, kung titingnan natin ang ating bayan, hindi ba’t may malakas na reaksiyon ang mga Pilipino tungkol sa mga imbestigasyon sa flood control corruption? Sabi nga ng iba, para bang nagiging palabas na lang sa Senado o Kongreso—mga pasabog na tanong, mga kunwaring galit—pero sa dulo, walang malinaw na pananagutan. Para bang lahat tayo ay niloloko, samantalang ang mga ordinaryong mamamayan ang lumulubog sa baha taon-taon.
Ano ang kinalaman nito sa Ebanghelyo? Heto: Ang tunay na alagad ni Kristo ay hindi pwedeng pumikit o manahimik sa harap ng katiwalian. Ang tawag sa atin ay maging handang magsakripisyo, kahit pa tawaging “kontra,” kahit pa kutyain o siraan, basta’t malinaw ang ating paninindigan para sa katotohanan at katarungan.
Mga kapatid, iyon ang hamon ni Hesus: kung hindi natin kayang bitawan ang sariling interes, takot, o komportableng buhay, hindi tayo makakasunod sa Kanya. Pero kung matututo tayong “bilangin ang ating mga araw nang tama,” gaya ng panalangin ng Salmo, makakamtan natin ang tunay na karunungan ng puso.
Nawa’y sa tulong ng Birhen ng Nieva, matuto tayong tumindig kahit sa gitna ng maling paratang, panlilinlang, o pang-aapi—para maging tunay na alagad ni Kristo, buo at tapat hanggang wakas.
Amen.






