52,083 total views
Mga Kapanalig, patuloy pa rin ang pagdanas natin ng napakatinding init. Noong nakaraang linggo, umabot na sa 131 na lokal na pamahalaan ang nagdeklara ng state of calamity dahil sa epekto ng El Niño. Halos kada araw ay may mga paaralang nagsususpinde ng face-to-face classes dahil sa init. Inaasahang magtatagal pa ang El Niño hanggang sa katapusan ng Mayo.
At hindi lang ito nararanasan sa Pilipinas.
Sa bagong ulat ng Copernicus Climate Change Service ng European Union, ang nakaraang buwan ang pinakamainit na Abril na naitala sa kasaysayan. At hindi lang ito: ang bawat buwan mula noong Hunyo 2023 ay itinutiring na record-breaking o pinakamainit sa mga kaparehong buwan sa nagdaang taon. Ang matinding pag-init ng mundo—na ngayon ay tinatawag nang global boiling—ay hindi maikakailang sintomas ng krisis sa klima na pinalalala ng patuloy na pagbuga ng greenhouse gases at deforestation o pagkalbo ng kagubatan.
Halimbawa nito ay ang pagliit ng espasyong natatakpan ng mga puno sa Cebu. Ayon sa Global Forest Watch (o GFW), nawalan ng higit sa sampung libong ektarya ng tree cover sa probinsya ng Cebu mula 2001 hanggang 2022. Kung ihahambing natin, kasinlawak ito ng buong Bantayan Island ng probinsya.
Sa Camotes Island naman na parte ng Cebu province, naglunsad ng online petition ang Sto. Niño de Poro Parish upang tutulan ang pagputol ng mahigit limandaang puno para sa road widening projects. Marami pa naman sa mga punong ito ay centuries-old o daantaon ang tanda. Ayon sa petisyon, ang mga puno ay lubos na kailangan para sa ating ecosystem. Giit pa nito, kailangan natin ng sustainable at well-balanced environment, hindi ang pagsakripisyo ng kapaligiran sa ngalan ng sinasabing kaunlaran.
Sa lungsod ng Cebu naman, nanawagan sa Protected Areas Management Board (o PAMB) ang mga city planners na repasuhin at pahigpitin pa ang pagpapatupad ng mga patakaran ukol sa pagtatayo ng mga istruktura sa protected areas, lalo na sa Cebu City Protected Landscape. Ayon kay Architect Anne Marie Cuizon, assistant head ng City Planning and Development Office (o CPDO), ang protected landscapes ay mga lugar na inaalagaan dahil sa kanilang natural, ekolohikal, at kultural na kahalagahan. Ayon naman kay Architect Joseph Michael Espina, head ng CPDO, nakatatanggap lang sila ng aplikasyon para sa occupancy permit kung kailan nakatayo na ang istruktura. Nakaiiwas ang mga developers sa pagsusuri ng lokal na pamahalaan matapos makuha ang ibang mga permit mula sa PAMB. Saad nina Espina at Cuizon, malaki ang kontribusyon ng urban development sa global warming at environmental degradation.
Sa mga panlipunang turo ng Simbahan, pinahahalagahan natin ang integridad ng sangnilikha. Wika nga ni Fr. Joel Bonza ng Sto. Niño de Poro Parish, kailangang pakinggan natin ang hinaing ng mundo at hindi lang dapat ang boses ng ekonomiya. “Let justice and peace flow,” aniya. Padaluyin natin ang katarungan at kapayapaan. Sa Laudato Si’, sinabi ni Pope Francis na may mga pagkakataong hindi sapat o hindi epektibo ang pagpapatupad ng mga batas. Mahalagang magkaroon ng public pressure at manawagan ang publiko upang kumilos ang pamahalaan, katulad ng ginawa ng Sto. Niño de Poro Parish at planners ng Cebu City. Gaya ng sinabi ng Santo Papa, magiging posible lamang ang pagkontrol sa pinsala sa kapaligiran kung may political power ang taumbayan—mula sa national level hanggang sa lokal na pamahalaan.
Mga Kapanalig, alalahanin natin ang salita sa Job 14:8-9: kahit ang ugat ng puno ay matanda na, “ito’y nag-uusbong kapag diniligan, ito’y magsasanga tulad ng batang halaman.” Hangarín natin ang ecological balance sa pagkamit ng kaunlaran. Protektahan natin ang mga puno’t halaman na nagsisilbing kanlungan natin sa kumukulong planeta.
Sumainyo ang katotohanan.