288 total views
Mga Kapanalig, mula nang mangyari ang oil spill mula sa lumubog na oil tanker sa Oriental Mindoro noong ika-28 ng Pebrero 28, daan-daang barangay na sa Oriental Mindoro, Palawan, at Antique ang naapektuhan. Tinatayang nasa 30,000 pamilya mula sa mahigit isandaang barangay sa mga baybay-dagat ng MIMAROPA at Region VI ang apektado sa insidenteng ito. Maitim at makapal na langis sa karagatan at dalampasigan ng maraming bayan sa Oriental Mindoro na matiyagang nililinis ng mga residente at volunteers. Matagal na ring nagtitiis ang mga residente sa napakasangsang na amoy ng langis. Mahigit isandaang katao na ang nakaranas ng hirap sa paghinga, pagkahilo, pananakit ng tiyan at ng ulo, at pagsusuka.
Ayon pa sa mga eksperto, malaki ang posibilidad na umabot ang nakalalasong langis papunta sa Verde Island Passage (o VIP) dahil sa pagbabago ng direksyon ng hangin. Tinaguriang “center of the center of marine biodiversity in the world” ang VIP dahil doon nananahan at nagpaparami ang iba’t ibang uri ng isda at lamang-dagat. Doon din matatagpuan ang iba pang marine organisms, corals, at seagrass. Kaya’t napakalaking banta sa yamang-dagat ng naturang lugar ang kumakalat na langis. Asahan nating lubos na maaapektuhan ang kabuhayan ng libu-libong mangingisda na hindi makapalaot. Dahil sa malawakang fish kill at pagkaunti ng nahuhuling isda, kailangang paghandaan ng pamahalaan ang epekto ng oil spill sa buhay at hanapbuhay ng mga mangingisda.
Napag-alamang walang “authority to operate” ang MT Princess Empress na maghahatid sana ng tumapong langis. Sa imbestigasyon ng Maritime Industry Authority (o MARINA), lumabas na walang Certificate of Public Convenience (o CPC) ang oil tanker at hindi ito dapat pinayagang maglayag. Ayon pa sa MARINA, siyam na beses pang lumayag ang oil tanker nang walang permit bago pa man ang nangyaring oil spill. Dahil sa kawalan ng permit, malabong makuha ng kumpanya ang insurance na gagamiting kompensasyon sa libu-libong apektadong residente.
Nakadidismaya ang kawalan ng sapat na tulong mula sa kumpanya para sa mangingisda at iba pang pamilyang naapektuhan ng pagkawala ng kabuhayan dahil sa oil spill. Idinadaing ngayon ng mga residente ang kakulangan at kawalan ng tulong gayong hindi nila kasalanang nawalan sila ng ikabubuhay. Bagamat may nag-aabot sa kanila ng tulong pinansiyal at pagkain, hindi ito ang pangmatagalang solusyon. Wala pa ring konkretong plano ang gobyerno upang protektahan ang mga apektadong komunidad at panagutin ang mga kumpanyang responsable sa nangyaring sakuna.
Ayon nga sa ensiklikal ni Pope Francis na Laudato Si’, nangangailangan ng malayong pagtanaw ang pangangalaga sa kalikasan dahil walang tunay na pagmamalasakit sa kalikasan ang sinumang naghahanap lamang ng mabilis at madaling kita. Tunay na malaki ang kapalit ng mga pagkasirang dulot ng pagiging makasarili. Ang pagkasira ng biodiversity sa karagatang balot ngayon ng langis ay hindi matutumbasan ng kahit anong halaga ng pera. Kaya naman, wala nang panahon para manahimik at manatiling pikit-mata sa mga kawalang-katarungan at paglalapastangan ng mga pabayáng kumpanya.
Ang susunod na henerasyon ang magbabayad ng bunga ng pagkasira ng ating kalikasan. Kailangang tiyakin ng pamahalaan ang kalagayan at kalusugan ng mga naapektuhan nating kababayan at ang pagpapanumbalik ng nasirang karagatan at pangisdaan. Gaya ng paalala sa Lucas 12:48, “ang binigyan ng maraming bagay ay hahanapan ng marami; at ang pinagkatiwalaan ng lalong maraming bagay ay pananagutin ng lalong marami.” Sa lawak ng pinsalang iniwan ng oil spill, malaki ang inaasahan nating pagtugon sa pamahalaan.
Mga Kapanalig, nakalulungkot na walang kinalaman o walang kasalanan ang mga residente sa nangyaring oil spill ngunit sila ang magdadala ng kalbaryo bunga ng pagpapabaya ng malalaking kompanya at pamahalaan. Sana’y kumilos nang mabilis ang gobyerno upang gumaan naman ang hirap na nararanasan—at mararanasan pa—ng mga labis na naperwisyo.
Sumainyo ang katotohanan.