1,459 total views
Umaasa ang human rights group na Karapatan na tuluyan ng maparusahan ang lahat ng sangkot sa marahas na war on drugs ng dating administrasyon ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Ito ang bahagi ng pahayag ni Karapatan Secretary General Cristina Palabay, matapos na ipinag-utos ng pre-trial chamber ng International Criminal Court na ituloy na ang imbestigasyon ng ICC prosecutor sa drug war killings na naganap sa Pilipinas.
Ayon kay Palabay, nawa ay magsilbing babala rin sa kasalukuyang administrasyon ang pagpapatuloy ng imbestigasyon ng ICC upang wakasan na ang madugong implementasyon ng programa laban sa ilegal na droga sa bansa.
“That is welcome news. We hope that the ICC pre- trial chamber pursues investigation until former Pres. Rodrigo Duterte is convicted and punished for the deaths of thousands in his regime’s bloody anti-drug war. This should also serve as a warning to the current regime for essentially continuing Duterte’s policies on the drug war.” Ang bahagi ng pahayag ni Karapatan Secretary General Cristina Palabay.
Matatandaang inakusahan ng crimes against humanity si dating Pangulong Duterte at dating Philippine National Police chief at incumbent Senator Ronald “Bato” Dela Rosa dahil sa mga kaso ng extrajudicial killings na may kaugnayan sa War on Drugs noong 2016.
Setyembre ng taong 2021 nang sinimulan ng ICC ang imbestigasyon sa mga kaso ng extrajudicial killings sa Pilipinas ngunit nasuspinde noong Nobyembre ng taong 2021 dahil sa kahilingan ng pamahalaan upang bigyang daan ang pagsasagawa ng sariling imbestigasyon sa mga anomalya at kawalan ng due process sa war on drugs killings.
Sa pagtataya ng pamahalaan aabot lamang sa mahigit 6-na libo ang nasawi sa War on Drugs ng nakalipas na administrasyon na taliwas sa datos ng mga human rights groups na aabot sa mahigit 30-libong indibidwal.